Bakit hindi napapatag ang kalsada ng EDSA?

Habang tinatahak ang magaspang at mabatong daan, hindi mawala sa isip ang katalasan ng aspaltong bumubuo rito. Sa bawat paang nagmartsa, sa bawat hinaing naisigaw, at sa bawat pusong may paninindigan, isang palaisipan kung bakit hanggang ngayon ay masasakit pa rin ang batong tinatapakan sa lansangan. Kailan kaya makakamit ng bawat isa ang pino at walang lubak na daan?


May uuwian pa kaya tayo?

Sambit ko nang ako’y salubungin ng nakapapasong init, umaalingasaw na usok, at dumadagundong na sigaw. Mabibigat ang aking mga hakbang, nangangatal sa pagkaladkad ko ng aking mga paa sa magaspang na aspalto ng kalsada. Hindi ko lang mawari kung bakit hindi nagmumula sa suot na sapatos ang bigat na nararamdaman—kung bakit ito’y nagmumula sa dala-dala kong pintadong karatula, bitbit ang hinaing na matagal nang lumipas, na sa paghawak nang i-abot ay may pagdadalawang-isip.

“Makibaka! Huwag matakot!”

Isang balintuna na inuudyok ko ang mga kapwang nasa labas ng hanay na makiisa at huwag mangamba—mga kapwang tingin ang ibinibigay sa halip na padyak at kawalang-ingay ang sukli sa halip na sigaw. Sa katunayan, hindi ko rin makita noon ang sarili sa gitna ng lansangan, kasama ang lupon na nagiging isa sa awit at padyak.

Wala sa isip ang pagkabit ng sarili sa kawalang katiyakang dala ng bitak-bitak na daan. Sa tanang buhay, tinuruan akong tumingin na isang landas lamang ang tinatahak. Sabi nila, sa kapatagan lamang umuusbong ang kaginhawaan. Isang sagradong kasalanan ang bumagabag sa kapanatagan. Hindi alintana kung tama o may mali sa daan; ang lahat lamang dapat ay mahusay na tumalima.

Habang nakatayo sa hubad na kalsada, tinatanggap ang mga matang noo’y aking ibinibigay sa mga nagmamartsa, hindi ko maiwasang isipin na sa bawat pagpasada ng sulyap ay may kaakibat na panghuhusga—dala-dala rin ba nila ang sentimentong kinalakihan ko? Na sa bawat munting paghinto ng sasakyan sa tabi, pagtawid ng tao sa harap, at paglingon ng mga nasa likod, katulad ba ng lumipas na kaisipa’y tinatanong din nila kung bakit sa pagmamartsa nasasayang ang oras at hindi na lamang sa ikulong ang sarili sa apat na sulok ng silid-aralan?

Aral ng mga paa ang rutang tatahakin, ngunit biglang nabulag ang isip kung bakit ako naririto. Bakit sila nagmartsa noon? Bakit ako nagmamartsa ngayon?

Hindi sumisibol ang udyok ng pag-aklas nang buo dahil ito’y pira-pirasong naiipon at lumalago. Tumutubo ito sa bawat silyang liban sa klase at tumatatag sa bawat pambubulsa at pandarambong. Saksi ang hanay sa pagbitbit ng bawat isa ng kani-kanilang mga rason, at dito ko napagtanto na wala sa pilit itinataas na papel ang bigat na nagpapangatog sa mga braso, bagkus sa mga naipong dahilan na nagtulak sa akin patungong lansangan.

Nagkaroon ng tapang ang mga binting pumasada sa pagyakap ng lakas ng loob na maniwalang may ibubuti at ikauunlad pa—labas sa walang kasiguraduhan kung ito’y batid, totoo, at tiyak. Niyakakap ang pag-asang patagin ang landas, hindi alintana kung ito’y nakikita o nararamdaman.

Dito napagtanto na hindi lamang sa paninindigan naninirahan ang pag-aklas, kundi ito’y umiiral bilang pananampalataya.

Nasa gitna na ako ng tinatahak naming ruta. Maaaring malinaw na ang ugat ng aking pagmartsa, ngunit tiyak pa rin ang tanong kung bakit ngayon lamang ako tumindig. Bakit sa EDSA ko lang naramdaman na kailangan ko nang kumilos?

Hindi sapat para sa mga naipong rason na sila’y manatili sa isip at diwa. Lalabas ito at tatayo  para sa masa, isisigaw ang matagal nang itinatangis, at magiging sa kanila na ang sa simula’y sa atin. 

At sa gitna ng mga matang nanghuhusga, sa mga diwang nagdududa, at sa nakakapagod na sistemang baluktot, buhay ang pagkapit sa pananampalatayang makakamit ng masa ang para sa kanila. Sa kadalisayan, ito ay pag-aklas.

Hindi ito kabawasan sa ibang mga dahilang nagpaalis sa masa upang tumungo sa mga lansangan, sadyang ngayon, masyado na rin tayong puno at galit.

Hindi lamang komemorasyon ang ika-25 ng Pebrero, ngunit isa ring paalala na tayo’y patuloy na nababagabag ng mga akala nati’y ibinaon na—apatnapung taon na ang nakalilipas. Isa itong sampal na tayo’y napapaloob sa parehas na entabladong ibinasura na ng noo’y nagmartsa at kumalas sa tanikala. Isa itong pagpukaw na sawa na ang masa.

Nakakaramdam na ng pagod ang mga paa, namamaalam na rin ang haring araw, at humahagod na ang matutulis na bato-batong kalsada sa manipis na suwelas ng aking sapatos. Habang iniinda ang sakit ng gaspang ng aspaltong kinakatayuan, dito ko napagtanto na kailanman ay hindi mapapatag ang EDSA. 

Ang bako-bakong kalsadang dinadaanan ay hindi mapipino; walang masa ang makapagmamasa sa tumutusok na bitak-bitak na semento. Hinding-hindi ito mapipino sapagkat ang bawat yapak na tumuntong sa hubad na kalsada ang siyang dahilan ng katalasan at kagaralgalan nito.

Walang makapagpipigil na markahan ng masa ang mapagpalayang lansangan, at marahil ito ang tunay na diwa ng EDSA. 

Mananatiling buhay ang bayan sa pag-usbong ng pag-aklas sa kanilang diwa; mananatiling magkakaroon ng rason upang lumaban; maninirahan sa kani-kanilang pananampalataya na para sa bayan; patuloy na lalabas upang mag-alay sa masa; at tutuloy upang magalit habang hindi pa nakakamit ang kasarinlan.

Sa pagtigas ng semento, ito ang magiging testimonya na kailanman, mananatili ang EDSA sa pagkakaàko dito ng masa. Inangkin na ng mga nagbakas at babakas ng yapak ang diwa nitong hindi magmamaliw sa kaisipan ng sambayanan at sa kamalayan ng mabakong kalsada.


Sina Razelyn Macuja at Mathew Soreno ay parehong mag-aaral ng BS in Statistics sa Division of Physical Sciences and Mathematics.

Leave a comment