May mga kamatayang umaalingasaw ang amoy mula sa nabubulok na katawan. Ngunit may mas mapanganib na pagpatay—ang paulit-ulit na pagkitil sa alaala, ang sistematikong paglimot sa kasaysayan, ang pagbura sa kolektibong kamalayan ng bayan.
Ang anibersaryo ng EDSA People Power ay hindi lamang monumentong ginagawang dekorasyon ng kasaysayan. Nag-iwan ito ng sugat na hanggang ngayon ay kumikirot—hindi tuluyang humihilom dahil ito ay nagpapaalala kung gaano kahirap mabawi ang demokrasya.
Ngunit iba ang ikukuwento sa’yo ng mga apologists. Golden age raw ito. Ipaparada nila ang mga tulay at lansangan, ang LRT, ang Cultural Center of the Philippines. Iuulat ang datos ng GDP na para bang ito ang sukatan ng dangal ng bayan. Uulit-ulitin ang mga salitang disiplina, kaayusan, respeto sa awtoridad hanggang sa magtunog banal ang awtoritaryanismo. Parang karpinterong-ibon na tumutuktok sa katawan ng puno – paulit-ulit, walang tigil, hanggang ito’y magtunog katotohanan.
Ngunit hindi nila sasabihin kung sino ang nagbayad para rito.
Ang mala-Parthenon na Manila Film Center ni Imelda—proyektong minadali upang maihabol sa isang international film festival—ay itinayo sa ibabaw ng trahedya. Noong 1981, daan-daang manggagawa ang nabagsakan ng basang semento; may mga ulat na mahigit isang daan ang na-trap at hindi agad nahukay. Dahil lang sa ayaw mapahiya ni Imelda sa kanyang banyagang bisita. Isang palasyong itinayo sa gitna ng bansang lubog sa utang.
Ngunit sasabihin pa rin nila na kinakailangang sakripisyo iyon para sa Bagong Lipunan. Kaya raw makatarungan ang paglampas niya sa terminong nakasaad sa konstitusyon. Kaya raw ang Martial Law ang tanging solusyon laban sa tunay na banta ng komunismo at rebelyon. Hindi siya tumigil sa hangganan ng batas. Mahigit dalawang dekada niyang kinamkam ang kapangyarihan Ngunit igigiit pa rin nilang siya’y isang benevolent dictator. Mabait na diktator.
Sabihin ninyo ’yan sa pamilya ni Lorena Barros, estudyanteng lider at feminista, na dinakip, pinahirapan, at binaril sa batok matapos tumangging makipagtulungan. Mas pinili niyang mamatay kaysa ipagkanulo ang kanyang paninindigan. Maging sa mga pesante na minasaker ng mga sundalo sa bayan ng Sag-od, Las Navas, Samar. Walang pinili ang mga bala ng estado — maging ang isang apat na buwang sanggol na nakasuso pa rin sa dibdib ng kanyang inang hindi na humihinga. Sa lahat ng mga namatay sa gubat ng Zamboanga del Norte, isang mass graveyard, na hindi na nalaman ang pangalan, walang natira kun’di bungo’t kalansay.
Sabihin niyo yan sa libo-libong dinampot sa dilim at hindi na kailanman ibinalik. Mahigit 70,000 ang ikinulong. Higit 30,000 ang tinortyur. Hindi bababa sa 3,000 ang pinaslang. May mga hindi na natagpuan kailanman.
Ito ang tunay na mukha ng disiplina at kaayusan na kanilang ipinagmamalaki.
Sa ilalim ng diktadura, natuto ang marami kung paano mabuhay nang nakayuko—kung paano hindi makita ang nakikita, kung paano magbingi-bingihan sa mga sigaw.
Ngayon, 73 taon na ang lolo ko. Kwento niya, naghuhukay sila ng mga taguan sa uma—hukay na animo’y foxhole sa gilid ng talampas. Ito ang nagsilbi nilang kublihan sa tuwing naaaninag ang mga malulupit na mga sundalo ng rehimen. Nagtatago sa lupa, para hindi sila tuluyang ibaon sa lupa.
Ngunit dumating ang Pebrero 1986.
Halos dalawang milyong Pilipino ang lumabas sa EDSA. Mga madre at pari, mga estudyante’t manggagawa, jeepney drivers at mga tindera, at ordinaryong mamamayan. Walang armas kun’di tiwala at tapang. Hawak lamang ang rosaryo. Nakaluhod, nakatayo, nakakapit-bisig sa harap ng mga tangkeng kayang durugin ang laman ng tao, ngunit hindi ang paninindigan nito.
Sinugod ang Malacañang. Bumungad ang mga mamahaling alahas, mga painting, mga gown, libu-libong pares ng sapatos. May mga kumuha. May mga nandura. May mga sumira. Mga simbolo ng labis sa loob at kakulangan sa labas. Hindi ba’t dapat ito’y para sa taumbayan?
Ganyan pa rin ang tanong hanggang ngayon. Hindi ba’t ang pondo ng bayan ay para sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan—hindi para sa travel expense, hindi para sa Rolls-Royce at Lamborghini, hindi para sa luho ng iilan? Bayan o sarili? Pumili ka — hamon ni Heneral Luna. Ngunit malinaw ang sagot ng marami sa mga nasa posisyon: sarili. Inuna nila ang kanilang sarili.
Sa pamamagitan ng planadong pagpapabango ng apelyidong Marcos, milyon-milyon ang ginastos upang linisin ang kanilang imahe sa social media. Ginamit nila ang Cambridge Analytica, ang parehong kumpanyang tumulong kay Trump. Mga troll farm na walang mukha at mga algorithm na mapagloko. TikTok edits at vlogs ang kapalit ng history book. Kita ang tagumpay nito sa 2022 election kung saan 31 milyon ang bumoto sa anak ng diktador. Pagkatapos, inalis pa ng administrasyong Marcos ang Pebrero 25 sa listahan ng national holidays. Ito ay isang pagtraidor sa kabuluhan ng diwa ng People Power. Malinaw ang kanilang layunin: burahin ang kasaysayan. Patayin ang alaala.
Hindi tayo papayag.
May mga kamatayang umaalingasaw ang amoy mula sa nabubulok na katawan. Ngunit may mas mapanganib na pagpatay—ang paulit-ulit na pagkitil sa alaala, ang sistematikong paglimot sa kasaysayan, ang pagbura sa kolektibong kamalayan ng bayan. Kapag pinayagan natin ito, nagiging mga buhay na patay tayo. At sa bawat ala-alang nabubura, may bahagi rin ng ating sarili ang nawawala.
Sa gitna ng laganap na korapsyon, ng mga “ghost projects” na nilulustay ang buwis ng mamamayan, ng krisis sa edukasyon at kalusugan, at ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, huwag nating hayaang mapunta sa wala ang sakripisyong inialay ng mga nauna sa atin. Hindi sila nagbuwis ng buhay upang bumalik tayo sa parehong siklo ng panlilinlang ng iisang apelyido.
Ituloy natin ang kanilang kuwento. Isigaw ang panawagang sinigaw nila noon.
Dahil ang pamilyang nagnakaw ng libo-libong buhay ay natutulog ngayon sa Malacañang, kumakain ng maayos, nakangiti sa kamera. Humihinga. At hindi lamang iyon—iniutos pa ng dating Pangulong Duterte ang paglilibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani, isang mamamatay-tao na binigyan ng 21-gun salute. At ngayon, ipinapatupad ng PNP ang “No Permit, No Rally,” at may lakas-loob pang itanong kung bakit sila magbibigay ng permit sa mga gustong pabagsakin ang gobyerno. Hindi ba’t ang kapalpakan ng gobyerno ang mismong nagtutulak sa mamamayan upang magprotesta?
Hindi bayani si Marcos Sr. Hindi golden age ang Martial Law. Hindi disiplina ang takot. Hindi kaayusan ang katahimikang ginamitan ng dahas. Dahil kapag nakikita ko ang isang ordinaryong mamamayan na may bitbit na placard o mikropono, nakatayo sa harap ng teargas at water cannon, handang harapin ang trak aararo sa kanilang katawan—hindi ko na kailangang itanong kung sino ang mali.
Ang People Power ay isang paalala na ang kapangyarihan ay lagi’t laging nagmumula sa mamamayan. Hindi sa mga Marcos. Hindi sa mga heneral. Sa atin. At tulad ng anumang bagay na hindi binabantayan, maaari rin itong maagaw kapag tayo’y nanahimik.
Ang demokrasya ay hindi isang mansyon na minana; isa itong hardin – araw-araw na binubungkal, dinidiligan, at binabantayan laban sa mga peste. Kapag pinabayaan, tinutubuan ito ng damong ligaw na kumakain sa ugat.
Ang ugat ay nasa loob natin. Dumadaloy sa ating dugo ang diwa ng pakikipaglaban ng ating kapwa Pilipino. Tumitibok ito sa bawat pag-alala, sa bawat pagpuna ng mali. Kaya sa Pebrero 25, kahit wala nang holiday, kahit alternative class lang ito sa ating unibersidad—lumabas at makidalo. Magdala ng placard. Ipakita natin na sila’y mali — hindi tayo nakakalimot. Naging presidente man muli ang isang Marcos, at may Duterte na namang nagbabalak bumalik sa poder, lalo lamang dapat tumindi ang ating paninindigan. Panatilihin ang gana. Panatilihin ang galit. Hindi pa tapos ang laban.
Hayaan nating gambalain ang multo ng ating nakaraan. Huwag matulog nang mahimbing. Manatiling gising.
Rea Ellen Bastian is a second-year BA Literature student at the University of the Philippines Visayas. She is the Literary Editor of Pagbutlak in its 51st year.







Leave a comment