by Alluna Hervi Pacion | graphics by Klyde Factes
Hindi ko alam kung paano ko ito naipagpapatuloy, kung paano ko ito nasu-survive. Siguro dahil sa bawat pahinga, gastos ang nasa isip ko. Sa kada pagpikit ng mata, ang nanay kong naghihirap sa pagtatrabaho ang nakikita ko. Sa bawat ideya ng pagre-resign, patong-patong na utang ang bumabalik sa alaala ko.
Sa UP kung saan ako nag-aaral, sinasabi nilang kaluluwa mo ang kapalit bago ka makaalis. Pero sa pagiging part-time worker habang full-time mag-aaral, hindi lang kaluluwa ang unti-unting inuubos. Sa bawat oras na tinataya para sa P64, kasama ang pagod, lakas, at dignidad ang paunti-unting kinakaltas.
***
Sa ilalim ng napakainit na araw ng Iloilo City, bitbit ko ang napakabigat kong bag mula sa Miagao. Tanging dala ko ang natitirang ipon mula sa mga nagdaan kong part-time job—panggastos para sa napakarami at napakamahal na mga requirements—para makapasok lamang sa fast food franchise na ito.
Pero keri lang, ako na ‘to e!
Bago matapos ang ikalawang semestre noong unang taon ko sa UP, nagsara ang study hub kung saan ako nagpa-part-time. Papalapit na ang summer, kaya wala na ring dahilan para bigyan pa ako ng allowance. Kaya gabi-gabi, halos walang tulog, naghahanap ng trabaho sa mga job website, nagpo-post anonymously sa Facebook group ng UPV community, at nag-chachat sa mga kaibigan kung saan maaaring mag-apply.
Naranasan ko na ring pumasok sa iba’t-ibang part-time. Naging social media manager, event helper, tutor sa anak ng mga kakilala—you name it! Gusto at love ko kasi ang ginagawa ko… kaya nang inirekomenda ito ng isang malapit na kaibigan, agad akong nag-apply. Finally, may pagkukunan na ulit ng panggastos!
Sa mga fast food chains kasi, hindi kailangan ng karanasan o diploma kaya dapat fast learner ka. May double pay o 30% dagdag na sahod kung holiday, madaling makapasok, at ang iba ay bukas 24/7. Kaya hindi rin naging mahirap sa’kin na iadjust ang mga iskedyul ng aking mga klase.
Sa halagang P64 kada oras bilang starting rate, nagsimula ako sa lobby area—sa pagligpit sa mga pinagkainan, pagbati sa customer, paghatid ng mga orders, at paulit-ulit na paglilinis ng sahig dahil mabilis kang masisita ng mga manager kahit sa kakaunting bakas ng dumi.
Dahil kulang sa staff, palipat-lipat ako ng station—minsan assembler o presenter ng orders pero kadalasan sabay-sabay. “Fast” food nga pero most of the time, mahaba pa ang paghihintay ng mga customers dahil sa understaffing. Kaya’t ikaw mismo ang maging “fast” at “multitasker” lalo na dahil kung hindi pasensyoso ang customer, ikaw ang sasalo ng galit. Pero dedma lang sis!
Diskarte kasi diyan:
- Pasok sa kabilang tenga, labas agad sa kabila
- Tapos sa bahay ka na mag-breakdown
Uy, pero wag ka! Face of the fast food kaya role na inapplyan ko! Kaya…
- Smile lang ulit! (Oh ‘di ba, ganda lang)
Sa kalaunan, nalibot ko na ang iba’t-ibang station kahit walang training—hindi dahil sinasanay, kun’di dahil kulang ang crew sa sobrang pagtitipid sa labor. Kaya breathe, calm down, at lock in! Dahil sa isang duty, iba’t-ibang gawain ang inaasahan sa iyo.
ANG REYALIDAD SA LAKAS-PAGGAWA
Sa pagpasok ko sa lakas-paggawa habang nag-aaral, ‘di ko aakalaing dito ko unang mararanasan ang isang sistemang hindi makatarungan at tila walang sapat na malasakit sa kalagayan ng manggagawa.
Kapag estudyante kang gipit at sa part-time lamang kumakapit, mas love ka nila. Kulang sa karanasan, kaya mas madaling kontrolin. Karamihan sa amin ay part-time students—may nagpupursiging magpatuloy sa pag-aaral, may pansamantalang huminto dahil sa gastusin, at may tuluyang tumigil upang magtrabaho at mabayaran ang tuition fee. Ang iba ay ginagamit ito bilang “stepping stone” upang makapagtrabaho sa ibang bansa, ngunit marami rin ang nananatili sa ganitong kalagayan.
Hindi ako ignorante sa hirap ng pagiging working student, ngunit shux! Hindi ko rin inasahan na ganito ang madadatnan ko bilang parte ng lakas-paggawa. Para sa kakarampot na orasang sahod, napipilitan kang mag-extend ng working hours para may dagdag allowance o pantustos sa pamilya. Madali mang makapasok, mahirap naman makakuha ng duty hours.
Pakiramdam ko nga’y minsan nasa Hunger Games ako. Minsan na nga lang magkaroon ng schedule, kailangan mo pang magpabida sa managers para mapansin ka. Kadalasan, 4-6 hours lang ang duty, at masuwerte ka na kung lalampas pa roon. Kung iisipin, isang order lang ng customer ay halos katumbas na ng sahod sa isang buong shift.
Idagdag mo pa ang matinding pressure sa mga managers na tipirin ang gastusin, lalo na sa pasahod. Dito na nagsisimula ang ‘di makatarungang pagtrato sa mga part-timers na kagaya ko. Halimbawa’y tatawagain ka kapag kulang ang crew, at pauuwiin ka naman kung matumal ang customers. Sa ganitong sistema, napagtanto kong wala kang hawak sa oras mo, at lalo na sa kikitain mo.
Sa amin, may tinatawag ding “thank you”— ang unpaid extra work bago o pagkatapos ng shift. Katulad ng paglilinis bago umuwi at turnover pagkatapos ng shift na minsa’y umabot pa ng hanggang dalawang oras na wala sa payslip mo.
May mga pagkakataon ding kinakaltasan ang sahod kapag sinasabing may nasira o nawalang gamit. Mataas ang labor standards, mataas ang expectations (dinaig ang expectations ng nanay ko sa akin!) pero ang sahod, kabaliktaran. At kung tumataas man ang sahod, halos hindi mo rin maramdaman.
Kapag umangal ka, siguradong ikaw ang dehado. Wala kang gaanong laban at madali kang mapapalitan. Kaya minsan, ang tanging pagpipilian ay magtiis, mag-resign, o ‘di kaya’y mag-AWOL.
‘DI KA UNIQUE!
‘Yun lang, ’di na naman ako unique. Dahil kung tutuusin, hindi naman nalalayo ang pinagdadaanan ko sa kalagayan ng nakaparaming manggagawa sa Pilipinas.
Sa bawat pagkaing hinahain sa hapag—mula sa lutong-bahay hanggang sa mga burgers at fries na ako mismo ang nagbabalot—nagsisimula ang lahat sa kamay ng mga magsasaka. Pero sa ilalim ng mala-pyudal na sistema ng agrikultura, sila mismo ang madalas kapusin sa pagkain. Sila ang nagpapakain sa bansa, pero sila rin ang nakararanas ng matinding kahirapan, kawalan ng sariling lupa, at patuloy na nalulunod sa tumataas na gastos at bagsak na presyo ng ani. Sa huli, ang sahod nila’y kadalasang sapat lamang para maitawid ang pang-araw-araw.
Ganito rin ang sitwasyon ng maraming kababaihan sa impormal na sektor, isang napakalaking bahagi ng ekonomiya ngunit madalas minamaliit at hindi binibigyang-pansin. Marami sa kanila ang nasa mga trabahong hindi tiyak. Sila ay mga street at ambulant vendor at nasa iba’t-ibang uri ng subkontratang trabaho. Kasama rin ang mga kababaihang gumagawa ng unpaid care work sa tahanan, tulad ng pag-aalaga ng pamilya at gawaing-bahay, na madalas humahadlang sa kanilang pagpasok sa formal employment.
Iilan lamang ito sa mga sektor na patuloy na nananawagan sa mas maayos at makataong sistemang panggawa. Nariyan ang ENDO o ‘end of contractualization,’ hindi ligtas na working environment, at kawalan ng job security.
LAGING TANONG NG LAHAT…
“Paano niyo nababalanse ang pag-aaral at pagtatrabaho?”
Pinupuri at hinahangaan ang mga working students dahil nakakayanan nilang ipagpatuloy ang pag-aaral habang tinututustusan ang kanilang sarili. Ngunit sino nga ba ang pinupuri: ang mga working students o ang sistemang patuloy na nagpapahirap sa amin?
Hindi ba’t mas dapat nating itanong: Bakit kailangang magtrabaho ang mga estudyante sa ganitong nakakapagod at nakakalulang kondisyon?
Kung ako ang tatanungin, hindi ko rin alam. Parang ‘di na rin kasi keri ng kagandahan ko.
Hindi ko alam kung paano ko ito naipagpapatuloy, kung paano ko ito nasu-survive. Siguro dahil sa bawat pahinga, gastos ang nasa isip ko. Sa kada pagpikit ng mata, ang nanay kong naghihirap sa pagtatrabaho ang nakikita ko. Sa bawat ideya ng pagre-resign, patong-patong na utang ang bumabalik sa alaala ko.
Dahil kapag tumigil ako, ‘end of the world’ na rin kasi titigil din ang pag-aaral ko. At kapag nawala iyon, mawawala rin ang mga bagay na pinanghahawakan ko, ang edukasyon at ang mga pangarap ko sa sarili at sa pamilya. Sabi kasi nila, ito ang tanging “pag-asa” para makaalpas sa kahirapan.
Pero sasapakin ka ng reyalidad, kulang ang oportunidad para sa mga manggagawa paglabas mo sa bahay ni Oble.
Isang taon na rin nung una akong nakapasok sa trabaho ko bilang food service worker sa fast food chain na ito. Isang taon ng pagod, pagtitiis, pagsusumikap—at pang-ga-gaslight sa sarili na love ko pa to. Mahirap man, ito rin ang nagtaguyod sa akin—ang nagpakain at nagtutustos sa pag-aaral ko.
Ngunit malinaw din sa akin: hindi dapat ganito kahirap ang mangarap.
Bilang iskolar ng bayan, patuloy nating itanong kung bakit sa kabila ng mga dekada ng pakikibaka, kailangan nating ipaglaban taon-taon ang mga karapatan ng bawat manggagawa. Patuloy nating kinakalampag ang pintuan ng estado at naninindigan kasama ang uring manggagawa, sa paggigiit ng P1,200 na daily living wage, regularisasyon sa mga manggagawang kontraktuwal, pagbabawas ng VAT at excise tax, at tunay na repormang panlipunan, lalo na ng tunay na reporma sa lupa.
Padayon at awra ulit!
Alluna Hervi Pacion is a second year Communication and Media Studies major at the Division of Humanities, UP Visayas College of Arts and Sciences. She is the Multimedia Editor of Pagbutlak on its 51st year.






Leave a comment