LIVE: Iloilo workers push for ₱1200 living wage, repeal oil deregulation law on Labor Day

₱1200 na nakabubuhay na sahod at pagbuwag sa Oil Deregulation Law ang isinusulong na panawagan ng mga manggagawa ng Iloilo ngayong Mayo Uno 2026.

Dito sa ilalim ng Infante Flyover, nagtipon ang iba’t ibang sektor, kasama ang mga mag-aaral ng UP Visayas, upang igiit ang mga kahilingang ito sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya na patuloy na nagpapabigat sa kalagayan ng mga marhinalisado.

Magmamartsa mamaya ang hanay papuntang Iloilo Provincial Capitol kung saan magtatapos ang programa.


3:00 PM, May 1

Inilahad ni Elmer Forro ng Bagong Alyansa Panay ang historikal na pinagmulan ng paggunita sa Araw ng mga Manggagawa hanggang sa kalagayan ng mga karaniwang Pilipino sa kasalukuyan bilang epekto ng agresyon ng US-Israel sa Iran at sa mas malawak na Middle East.

/el.phil.i

3:06 PM, May 1

Kasabay ng panawagan para sa hustisya para sa Toboso 19, binigyang-diin ni Aljo Benedicto ng UPV University Student Council ang papel ng mga Iskolar ng Bayan sa pagpapaugong ng panawagan ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na panunupil ng rehimeng Marcos-Duterte.

/el.phil.i

3:15 PM, May 1

Giit ni Juliane Judilla ng Altermidya Panay, dapat alisin ang mga pwersang militar sa kanayunan na nagdudulot ng dislokasyon sa mga residente, sa kabila ng nakaraang operasyong militar sa Toboso, Negros Occidental na kumitil sa 19 katao, kabilang ang lider-estudyante na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Nichole Ledesma.

/el.phil.i

3:30 PM, May 1

Para mapakain ang kanilang pamilya at maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak, patuloy na nagtitinda si Francisca Erfe, isang bolantero.

Nahaharap ngayon sa displacement ang mga humigit kumulang 1500 ambulant vendors kasunod ng pagpapasailalim ng dalawang pampublikong pamilihan sa lungsod, ang Iloilo Central Market at Iloilo Terminal Market, sa isang Public-Private Partnership kasama ang SM Corporation.

Nananawagan sila ng dayalogo kay Iloilo City Mayor Raisa Treñas upang maiparating ang kanilang tunay na kalagayan at mapag-usapan ang kinabukasan ng mga apektadong vendor, lalo na ang mga posibleng hakbang upang matiyak ang kanilang kabuhayan sa gitna ng mga pagbabagong ipinapatupad sa mga pamilihan.

/el.phil.i

3:55 PM, May 1

Bilang pagtatapos ng programa sa Infante, nagtanghal ng cultural performance ang Artistang Radikal Para sa Bayan, tampok ang awiting “Magliliyab,” ng Concerned Artists of the Philippines.

/el.phil.i

4:00 PM, May 1

Tatahakin ng hanay ang kahabaan ng General Luna Avenue patungong Iloilo Provincial Capitol kung saan magtatapos ang kabuuang programa.

/el.phil.i

4:40 PM, May 1

Nagpatuloy ang programa sa harap ng Iloilo Provincial Capitol, na siya ring magiging huling bahagi ng aktibidad

/el.phil.i

4:50 PM, May 1

Ayon kay Irma Espinosa, hindi na sapat ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa upang tugunan ang tumataas na presyo ng langis at pangunahing bilihin sa merkado.

Iginiit niya na dapat makiisa ang mga konsumer sa laban ng mga ambulant vendors laban sa banta ng displacement, pribatisasyon, pagtaas ng renta, at panggigipit ng lokal na gobyerno.

/el.phil.i

4:56 PM, May 1

Sa huling bahagi ng mobilisasyon, inawit ang “Awit ng Pag-asa” ni Levy Abad, habang binigyang-diin ni Matt Gonzaga ang pag-asa sa nagkakaisang aksyon ng kabataan at malawak na sektor ng masa.

/el.phil.i

Leave a comment