Ang pagtabo kang bukid kag baybay sa pinggan*

Photo courtesy to AklanAnimalRescue/YouTube


Sa iisang dagat kung saan dapat pantay ang pagkakataon, tila mas malalim ang bulsa kaysa lambat.


Lumaki ako sa lugar kung saan tila hati sa tatlo ang aking mundo: ang bukid, taramnan, at baybay.

Sa likod ng aming bahay sa Antique, tanaw ang malawak na bukid na minsang naging palaruan namin. Doon kami dumadausdos sa banglid sakay ng paklang, paunahan kung sino ang unang makarating sa baba. Sa harap naman ay ang taramnan, kung saan kami naglalakad sa makikitid na pilapil na parang nagba-balanse sa lubid, tumatalon sa mga uhot, at umuuwing pawisan, nangangati, ngunit laging nakangiti. 

Ilang hakbang pa’y maririnig mo na ang hampas ng mga alon. Sa baybay, nangongolekta kami ng makikintab na bato at inilalagay sa paso ni Lola na parang totoong kayamanan. 

Sa murang isip ko, iyon na ang naging depinisyon ko ng kasaganaan. Hindi kami mayaman, pero pakiramdam ko sapat ang lahat. Nariyan ang lupang nagbibigay-buhay at ang dagat na kailanma’y hindi nagdamot. Kaya kapag may pritong isda, ginamos, sinamak, at baog sa hapag, pakiramdam ko’y marangya na kami.

Ngunit hindi ko pa naiintindihan noon ang bigat sa likod ng mga kamay na iyon—mga kamay na araw-araw nag-aararo, namumunit, at nangangahoy para lang may mailagay sa mesa.

Maarado. Mang-abono. Manghilamon. Mangani. Malinas. Mapahanwin. Manglay-ang. Mabulad. Mapagaling. Manahup. 

Ganito ang araw-araw ni Lolo sa edad niyang 72—at para pa lang ito sa bigas. Habang ang tiyuhin ko naman ang nagapa-lawod para mangisda: gagawa ng paraun (bait), mamunit, masalum, madara kang sapaw (lambat), para lang may maiuwing ulam—marut, gurayan, tamban, bayabao—mga isdang inilalagay sa bagol at dinadala niya sa bahay.

Hindi pa rin kasama rito ang kahoy na panggatong. Si Lola, minsan si Tatay o si Nanay, ay umaakyat ng bukid na may dalang binangon at burugkus nga kalat. 

Mangtapas. Sirisihan. Bugkuson. Hakwatun sa baga. Bus-akon. Ibulad sa init. Ibutang sa dapog. Lahat para lang may panggatong sa kalan para sa lulutuing sinabawang isda at kanin. 

Tanan dya para lang gid masudlan ang amon pinggan kung diin magkitaay liwat ang grasya halin sa lupa kag baybay. 

Pero habang tumatanda ako, binasag ng reyalidad ang ilusyon ng kasaganaan. Naririnig ko na ang mga buntong-hinga—ang abono na kailangan bayaran, ang pagkakasakit ng tiyuhin, ang matumal na huli, ang utang na hindi nauubos. At doon ko naintindihan na hindi lang sila—libu-libo pa ang kagaya nila.

Sa Pilipinas, may mga magsasakang hindi nakakatikim ng kanilang sariling ani. Kailangang ibenta agad ang palay para may ipambayad sa patubig, abono, binhi, at traktora. Sa farmgate, walo hanggang kinse pesos lang ang kilo ng palay; kung swerte, P23. Pero sa merkado, P50 hanggang P70 ang bentahan. Ang tubo? Nasa kamay ng mga middleman, trader, at mga negosyanteng hindi man lang nabahiran ng putik ang kamay at paa.

Ganoon din ang danas ng mga mangingisda. Bago pa sumikat ang araw, nasa laot na—hinaharap ang alon, ang lamig, at ang kawalang-katiyakan kung may mahuhuli pa.

Dito sa Miagao, dati’y maririnig pa ang mga mangingisdang naglalako ng sariwang huli; ngayon, bihira na. Pinapaboran na kasi ang mga isdang galing sa malalaking komersyal na bangka—kahit sa lokal na merkado, mula pa sa ibang lugar ang tindang isda. Habang ang small-scale fishermen ay umaasa sa flashlight at simpleng lambat, ang malalaking barko ay may malalakas na ilaw at modernong fish finders na pumapasok pa sa municipal waters. 

Pahirap din ang Mercidar Ruling na naging daan upang makapangisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters ang mga commercial fishing vessels—lugar na dapat sana’y para lang sa mga lokal na mangingisda. Kulang na nga ang huli, inaagaw pa. 

Sa iisang dagat kung saan dapat pantay ang pagkakataon, tila mas malalim ang bulsa kaysa lambat.

Isang mapait na kabalintunaan na ang sektor na bumubuhay sa atin ay siya ring pinakamadalas nagtitiis sa gutom. Mula sa mga alon hanggang sa mga palayan, iisa ang agos ng kwento ng mga manggagawang patuloy na nagpapaikot sa makina ng ekonomiya, hindi para sa sarili o pamilya, kun’di para sa iba. 

Sabi nila, aasenso raw ang tao sa sipag at tiyaga. Madalas ko ‘yang marinig sa mga politiko sa panahon ng kampanya, sa mga seminar na may malalamig na aircon, at higit lalo sa mga taong hindi man lang nakadama ng putik sa pagitan ng kanilang mga daliri sa kamay at paa. Pero kung totoo iyon, bakit hanggang ngayon, ang mga taong pinakamasipag ay sila ring pinakamaralita? Sampung kahig na, pero wala pa ring matuka.

Kahit na ang mga likod nila’y parang binaluktot na alambre, paa’y nakabaon sa putik, at balat ay sinusunog ng araw, hindi sila pwedeng tumigil. Dahil kahit hindi sapat ang kakarampot na kita para patahimikin ang nagkakalam na sikmura, mas batid nila ang takot sa balang maaaring dumampo sa sintido nila. 

Ipinagmamalaki kong anak at apo ako ng magsasaka at mangingisda. Pero kasabay ng pagmamalaki ay ang lungkot at galit. Lungkot sa realidad ng kanilang pag-antos. Galit sa sistemang nang-aagrabyado sa kanila. 

Dahil sa bawat butil ng bigas at piraso ng isda sa ating hapag, naroon ang kalyo ng mga kamay na  pilit pinagtatagpo ang grasya mula sa lupa at baybay upang mapuno ang ating mga pinggan.

*Apologies to Kinaray-a writer Ma. Milagros C. Geremia.


Rea Ellen Bastian is a second-year BA Literature student at the University of the Philippines Visayas. She writes opinions for Pagbutlak. As a budding writer and campus journalist, she is passionate about examining social issues, historical narratives, and cultural discourse through a critical lens.

Leave a comment