Sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng pagdeklara ni Marcos Sr. ng Martial Law sa bansa, nagmartsa at nagtipon ang iba’t-ibang sektor at mga progresibong grupo sa harap ng Iloilo Provincial Capitol upang irehistro ang ilang mga panawagan sa bagong administrasyong Marcos Jr.-Duterte, kaninang alas 4:00 ng hapon, Setyembre 21.
Kasama rin sa mobilisasyon ang malawak na hanay ng mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang unibersidad at pamantasan sa Iloilo.
Nagsimula ang mobilisasyon sa St. Clement’s Church kung saan nagsagawa muna ng indoor forum ang mga grupo sa tiraniyang Marcos Sr. at Marcos Jr.
Ipinahayag ng mga grupo at organisasyon ang kanilang mga panawagan kabilang ang paglaban sa historical revisionism, pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), paggiit sa reporma sa mga polisiyang agraryo, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), pagkundena sa militarisasyon sa kanayunan at pamantasan, at iba pa.
Binatikos din ng mga grupo ang administrasyong Marcos-Duterte dahil patuloy na pagdami ng mga kaso ng human rights violations sa bansa simula nang sila’y maupo sa puwesto. Tinuligsa rin ang mga pag-atake, panliligalig, pananakot, at intimidasyon ng state forces sa mga progresibo lalo na sa mga estudyante.
Matapos ang mobilisasyon, nagtipon ang mga raliyesta para sa isang simbolikong sa candle-lighting program bilang pag-alala sa mga biktima ng Batas Militar at sa mga martyr na nanguna sa paglaban sa diktaduryang rehimen ni Marcos Sr.
Sa kabila ng presensya ng mga pulis na metro lamang ang layo mula sa sectoral mobilization, mapayapang nagtapos ang mobilisasyon.

Phil Liam Nono is ajunior statistics student at the Department of Physical Sciences and Mathematics. He is a senior news writer for Pagbutlak.







Leave a comment