Walang pipikit, ito na ang Barriotic

ni Sheina Elijah Penetrante | larawan mula sa UPV Hublag/Facebook


Sa mundong binubuo ng Barriotic, walang iisang mukha ang gulo. Hindi ito iisang tao, iisang grupo, o iisang kwento.


Sa unang salubong sa barrio ng Talimpao, sunod-sunod ang mga yapak. Patay-sindi ang kirap ng ilaw. Kalat ang plastik sa gilid ng tindahan. Ang mga saya ay lipad nang lipad sa alingawngaw ng mga tawa, iyak at mga alitang hindi malinaw kung kwento ba o sigaw.

Ang unang reaksiyon: kukurot ang mga mata. Pipikit ang mga talukap habang tinatakpan ng magaspang na palad ang tainga—upang hindi malanghap ang nakaririnding huni.

Ngunit sa reyalidad, hindi pribilehiyo ang pumikit.
Dahil ang gulong ito—ito mismo ang reyalidad.

At sa paglubog ng UP Visayas Hublag Dance Company (o Hublag) sa mundo ng Barriotic, ang pilit iniiwasan ay isasabuhay.

Sino nga ba ang Gulo sa Barrio?

“Talimpao is not just a barrio—it’s a lived experience.

Sa mundong binubuo ng Barriotic, walang iisang mukha ang gulo. Hindi ito iisang tao, iisang grupo, o iisang kwento.

Madaling ituro ang mga tambay sa kanto. Yaong mga naka-jersey, baliktad ang sumbrero, at pawisan sa ilalim ng tirik na araw. Naroon din ang mga kikay na tila walang mintis sa chika—kapantay ng kapal ng kolorete ang dami ng kuwentong pina-iikot sa tiangge, habang may usok ng sigarilyo at amoy ang alak sa hangin kahit pa nakahilata at nakaidlip na ang mga lasenggero’t lasenggera sa kanto.

Pero baka minsan ang gulo ay nasa taas at sa mga hindi inaasahan—sa mga pulis na tagapangalaga raw ng kaayusan, ngunit hindi laging malinaw kung sino nga ba ang pinagsisilbihan… O kaya sa mga nasa kapangyarihan, mga lider na nakasuot  ng malinis na mga barong—na may kakayahan pala na baluktutin ang kaayusan kanilang pinangako, lahat para manatili sa kanilang kinatatayuan…

Ngunit hindi roon nagtatapos ang gulo. Sa lente ng Hublag, ang salitang Barriotic—na madalas ikinakabit sa asal-kanto o kawalan ng disiplina—ay muling bibigyang-kahulugan.

Ang “kababawan” ay magpapakita na sa likod ng tila payak at pangkaraniwang mga tagpo, ay naroroon ang mas malalim na reyalidad. Bibigyang-buhay nito ang mga karakter sa barrio at babakasin ang tagpo ng totoong buhay: ang pag-iral ng kapangyarihan, ang bigat ng kahirapan, at ang tuloy-tuloy na pakikibaka sa isang sistemang patuloy na umiikot at walang ganang maghintay—kahit may naiiwan, at may hindi nakaka-usad.

Paulit-ulit. Magiging BARRIOTIC.

Ayon kay Boojie Peñacerrada, Creative Director ng Hublag, ang Barriotic ay binubuo ng 24 na magkakaugnay na segments na tila isang pelikulang hinabi sa galaw. May 12 pangunahing bahagi at mga paningit na eksena na siyang tatahi sa buong naratibo.

Sa loob ng mahigit isang oras, hindi lang oras ang lilipas kun’di henerasyon–ng saya, lungkot, at panghihinayang. Higit sa lahat, bibigyang mukha ang walang tigil na paghabol sa pag-asang maaaring datnan, kahit ilan pa ang maubos at masayang sa maling pagtantiya ng sistema.

Itong Gulong Nagbubuklod

Sa likod ng tila kontroladong kaguluhan sa entablado ay mas malaking kaguluhang makikita lamang sa pagsilip sa siwang ng mga kurtina: ang proseso. Bawat pawis na tumutulo sa sahig at bawat ensayong inaabot ng madaling-araw, ay bahagi ng isang mensaheng nais ipaabot upang hindi lamang ang Hublag ang gumalaw kun’di pati na rin ang mga manonood.

 “You will really show up because your team is showing up. It’s a team effort ang amon nag concert this Friday. I’m happy and proud because ma-pay off na ang effort, dedication, and disiplina nga gin-exert sang amon dancers, choreographer, creatives, logistics, ang amon president, ang other comms and also amon creative director.”

Kagaya ng barrio, hindi lang naman kasi sayaw ang umiikot sa kanilang mundo. Bawat isa ay may sariling laban sa labas ng entablado. 

“Every year kami may new members so naga-adapt pa na sila sa ila academics, especially man ang mga graduating, ang thesis na nila. Grabe ang heart sang tagsa-tagsa nga to the point nga ang iban nga dormers, naga-try sila ngita boarding house just to bring forth this art.”

Sa paglipas ng ilang buwang paghahanda, hindi lamang ang kanilang mga karakter ang nahubog, kun’di ang kanilang sariling pagkakakilanlan. At sa likod ng bawat pitik at galaw, naroon ang personal na mga kompromiso. 

Araw-araw, hanggang sa pag-abot ng madaling araw, nananatiling buhay ang espasyo ng ensayo. Alas-dose na ng hatinggabi, ngunit bukas pa rin ang ilaw sa Room 0. Maging ang mga streetlights ng Miag-ao ay saksi rin sa umaalingawngaw na musika hanggang alas kwatro ng madaling araw.

“Yesterday, during our dress rehearsal sa court, seeing all our performances from top to bottom–parang na-stitch na ang bawat routines. It’s really a proud moment for me. Bisan physical constraints, at the back of mind, ‘Lord, this is really worth it.’ I’m proud I didn’t give up.”

Sa puntong ito, ang barrio ay hindi lang isinasadula kun’di binibigyang halaga. Isang komunidad na hinubog ng pagkakaibigan, pinatag ng sakripisyo, at pinanday ng kolektibong paninindigan. Ito ang kaguluhang nagbubuklod sa kanila, at ito rin ang nais nilang ipamana.

“We get support from one another. We get energy from one another to push through many problems nga na-encounter man namon. And we remind ourselves why we are doing this. Not only for ourselves, but for God Almighty that gave us these talents we have. This is also to the audience, and, especially to our beneficiaries, the Miagao fisherfolk community [specifically: the Farmers-Fisherfolk Association]  .”

Bawat Pitik, May Imik

We’re more than just performers—we have a story to tell.

Mula sa edukasyon, gender, hanggang sa sosyo-pulitikal na mga adbokasiya—bubuksan ng pagtatanghal ang mga usaping matagal nang umiiral ngunit madalas binabalewala. Hindi ito simpleng representasyon ng “gulo” ngunit ang pag-unawa at paanyaya na kilalanin ang sariling baryo at ang sariling reyalidad na kalakip nito. Ito ay dahil ang gulo sa entablado ay hindi nalalayo sa gulo sa labas nito.

“Sa ever-evolving nga time ga evolve man mismo ang artists—mad artists take up a huge place in movements and in uprising. It contests the narrative of what it means to be part of the barrio. Is it bad or is it taboo to be barriotic?”

Sa pamamagitan ng mga miyembrong nagmula sa iba’t-ibang background, ang pagsasanib ng magkakaibang genre ng sayaw ay nagiging paraan din upang hamunin ang mga stereotypes at mga ideyang nangingibabaw. At higit lalo, itataguyod nito ang mas malalim na pang-unawa at pagpapahalaga sa mga kontradiksyon ng kultura at pananaw. 

Sa ganitong lente, ang pagkilala ng madla sa kanilang mga sarili sa entablado at sa malawak na sistemang kanilang kinaroroonan ay hindi lamang representasyon, kun’di isang anyo ng pagbibigay kapangyahiran. 

Mas nagiging mahalaga ito habang unti-unting nabubunyag ang ilusyon ng “kaunlaran” sa ating lipunan—na sa likod ng urbanisasyon at “pagpapaganda” sa ating mga magulong mga barrio, ay naroroon ang mapanglaw na pagdurusa ng mga mamamayang patuloy na inuuto at pinapaasa sa isang sistemang patuloy ang ikot—habang may mga tuluyang naiiwan.

Walang Pipikit

Kung may isang bagay na nais iwan ang Barriotic, ito ay: Ang namulat ay hindi na muling pipikit pa.

Paulit-ulit. Paikot-ikot. Parang sayaw. Parang buhay. 

Ngayon, ang tanong ay hindi na kung sino ang gulo, kun’di kung ano ang gagawin mo matapos isalang dito. Ang mga yapak na noon ay nakaririndi, ang mga taping hirap ipagtagpi-tagpi, at ang mga sayang sumasampal ng sigaw sa hangin ay magkakaroon ng saysay. Sa huli, magtatagpo ang lahat sa iisang kahulugan.

Sa pamamagitan ng dance drama ng Hublag, lilinaw ang magulong barrio. Maaaring ang nakababaliw na ingay ay pwedeng maging anyo kalayaan. Kaya’t imulat ang mata. Dahil hindi lang ito dance drama—ito ay puna sa reyalidad ng masa.


Sheina Elijah B. Penetrante is a sophomore of BS in Public Health in the University of the Philippines Visayas. She is the Feature Editor of Pagbutlak in its 51st year.

Leave a comment