You can’t sit with us (like, literally)

May bahid din talaga ng sarkasmo ang mga sitwasyong kagaya nito; na para bang jino-joketime ka lang ng mundo. Hindi mo na nga alam kung saan ka patungo figuratively, pati ba naman in a literal sense ay mamomroblema ka pa.


Lights, camera, action! Ang eksena: Ikaw, papasok ng CUB, kumakalam ang sikmura at desperado sa kahit anong makakain. Gagalugarin ng mga mata mo ang kabuuan ng ‘di-mahulugang karayom na cafeteria, nagbabakasakaling may bakanteng puwesto. Ang iba kumakain, ang iba nag-aaral, karamihan parehong nagpapakaproduktibo sa kakarampot na break habang nilalabanan ang gutom sa P45-peso meal ni Manang Betch. 

Pero ang tunay na drama? You can’t sit with them. Hindi dahil “plastics” sila o dahil hindi ka belong sa grupo. You just can’t sit with them, literally. Wala na kasing talagang bakanteng puwesto. As in zero. None. Waay. 

Dito kasi sa UPV, kahit walang Mean Girls na magsasabi sa iyong hindi ka pwedeng umupo kasama nila ay mahihirapan ka pa ring maghanap ng pwesto. Dito, parte ng curriculum ang pakikipag-Trip to Jerusalem sa mga kapwa mo Iskolar para lang panandaliang makahalik ang iyong puwit sa monobloc chair. Dito, soundtrack din ang “Upuan” ni Gloc-9—mula sa “so near yet so far” na bagong University Library at always and forever jam-packed na TLRC hanggang sa CUB na cafeteria-slash-working space, applicable din ang kanta sa ‘di pa rin nasosolusyunang isyu ng kakulangan ng espasyo sa kampus.

That Is So Not Fetch

Flashback muna sa nakaraang academic year. Dito makikita ang rising action ng pelikula na nagpalala sa noon pa man ay hindi na student-friendly na sistema ng unibersidad at yumanig sa mundo ng mga tambay ng Old Library: ang pag-aalsabalutan ng silid-aklatan patungong tuktok ng bundok.

Objectively speaking, better naman talaga ang New Library. Bago, kumpleto, at mas malaki kumpara sa luma kaya naman mas maraming estudyante ang kaya nitong mapaunlakan. Mas maraming shelves, study areas, at aesthetic ang view. Kaso nga lang, bukod sa mga regular na empleyado, mabibilang mo sa dalawang kamay ang mga bumibisita rito. Ang espasyo kasi na ito na para naman talaga sana sa mga mag-aaral ay ‘di naman basta-bastang napupuntahan.

Sa usapin ng New Library ay hindi pwedeng hindi mabanggit ang kakambal na isyu nito: ang transportasyon paroon. Sementado man, dahil sa matarik na daanan ay mahirap pa rin itong manumanuhing akyatin, lalo na kapag ayaw din magpatalo ng haring araw o kaya ay ng ulan. 

Ang tanging solusyon bukod sa mag-hiking nang wala sa plano ay maki-hitch ride sa scheduled service ng mga taga-SoTech at RRC. Pero, sabi nga sa isang entry sa freedom wall, kung hindi pagod, konsensya ang papatay sa‘yo kapag nakiagaw ka pa ng puwesto para sa kanila. Idagdag pa ang recent notice Campus Maintenance and Development Office (CDMO) na dysfunctional na ang apat na university buses. Kaya naman, siksikan sa puting L300 at green van muna ang kanilang everyday eksena. Ano, dadagdag ka pa ba? 

Get In Loser, We’re Going To Find A Vacant Space

Fast forward to today. Dahil sa pagkawala ng Old Library, gaya ng alimangong nawalan ng shell ay matik na maghahanap ang mga estudyante ng bagong bahay para maka-survive. Bahay, as in bagong mapagtatambayan. At saan pa nga ba? TLRC. Ang laging puno, laging malamig, laging desirable (sanaol), pero lagi ring missing-in-capacity na TLRC.

Bago pa man magdesisyong mag-new year, new me ang paboritong silid-aklatan ng lahat, punuan na talaga ang TLRC. Sadyang ang Iskonita, air conditioned na silid, o mga dilaw na desk-benches lang kasi ang pwede mong pagpiliang pamahayan. Ngayon, mas dumami pa ang enrollees. Mas lumiit ang accessible spaces. Kahit maya-maya ay mag-abot na ang pinto ng basement at ang mga lamesa ay hindi pa rin ito sasapat sa dami ng estudyante.

Kaya naman, kapag sumuko ka sa TLRC Hunger Games, ang choices mo na lang ay:

  1. CUB mushies (na palagi ring puno),
  2. CAS Park (na malamok at zero Wi-Fi),
  3. CAS Garden (may Wi-Fi pero pang-10th Circle of Hell ang init), o
  4. Mga bakanteng klasrum sa CAS Building (kung makatsambang on ang aircon at abot ng Wi-Fi).

At oo, hindi ko nilagay sa options ang umuwi, kasi: 

  1. May allowance na kailangang i-budget;
  2. Tutostahin ka muna bago makauwi kung maglalakad ka lang; at
  3. Babalik ka rin naman, so why bother?

May bahid din talaga ng sarkasmo ang mga sitwasyong kagaya nito; na para bang jino-joketime ka lang ng mundo. Hindi mo na nga alam kung saan ka patungo figuratively, pati ba naman in a literal sense ay mamomroblema ka pa. 

But then (na para bang divine intervention), maaalala mong may isang lugar ka pa palang hindi napupuntahan. Ang tambayan to end all tambayans. Saan ka nga ba makakakita ng lamesa at upuan bukod sa mga silid-aralan? 

Tama. Sa hapag-kainan. 

You Could Try CUB?

Ganito pala sa UPV Cafeteria: maingay, magulo, mainit, pero puno ng pangarap!

Nitong mga nagdaang buwan kasi ay nagsilbing kainan, pahingahan, at review center ang cafeteria sa CUB, all-in-one. Sa dami ng tao, may mga estudyanteng magsa-standing ovation muna bago makakain. Ang iba ay dinadala na sa labas ang kanilang pinggan. Ang mga may badyet, maglalakad patungong Box 1 para doon na lang mananghalian. At ang iba na wala nang choice, mag-o-OMAD na lang.

Normal na ang ganitong mga pangyayari sa pelikula ng buhay ng mga estudyanteng umaasa sa mga pasilidad ng institusyong ito. Iyong mga nanghihinayang sa kinse na pamasahe, walang sapat na badyet para mag-aral sa mga cafe, at ang mga may tanging pagkakataon lang para makabawi ng tulog ay sa bakanteng oras sa pagitan ng kanilang klase. At kagaya ng bawat kuwento, ang isang ito ay may moral of the story rin: na hindi dahil normal ang sitwasyon ay tama ito. Ika nga nila, don’t settle for the bare minimum, ‘di ba?

Kaya naman ngayong wala nang bakanteng puwestong mauupuan at salat na sa espasyong pwedeng mapag-aralan at mapagpahingahan, baka panahon nang muling ipaalala sa administrasyon na may mga estudyanteng walang mapuwestuhan. Kung talagang para sa atin ang institusyong ito, hindi ba’t hindi na dapat tayo nag-aagawan ng espasyo?

Kung wala nang mauupuan, e ‘di tumayo tayo—hindi para maghintay, kung hindi para ipaglaban ang espasyong dapat ay atin na mula sa simula. 


Si Ryona Cassandra P. Honrado ay kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kaniyang pag-aaral ng Computer Science sa ilalim ng Division of Physical Sciences and Mathematics. Siya ay isang probationary Culture Writer para sa Pagbutlak.

Leave a comment