Sa Cadiz, bawat patak ng pawis ay binabayaran ng pangako, ngunit ang mga nagpapatuyo sa ilalim ng araw ay nananatiling tuyo rin sa hustisya.
Mabaho, mainit, maingay. Ganito nagsisimula ang umaga sa Cadiz City, Negros Occidental — isang lungsod na kilala hindi lamang sa tuyô, kun’di sa alat ng hangin, at sa amoy ng pinatuyong isda na tila nanunuot sa balat.
Malapit lamang ang aming tahanan sa pagawaan ng tuyô, kaya araw-araw kong nasasaksihan kung paanong ang kabuhayan ay literal na isinasalang sa ilalim ng araw. Sabi ng aking lola, amoy iyon ng pagsisikap. Noon, inirapan ko lamang iyon; ngunit ngayon, nauunawaan ko na kung gaano kabigat ang ibig-sabihin ng kanyang tinuran.
Sa Cadiz, ang industriya ng tuyô ang bumubuhay sa maraming pamilya. Madaling araw pa lang ay bumabangon na upang linisin, asinan, at patuyuin ang mga huling isda. Sa tindi ng sikat ng araw, nangingitim ang balat at kumakapal ang kalyo sa mga palad, ngunit sa dulo ng maghapong pagod, madalas kulang pa rin ang kita.
Naalala ko tuloy ang pamilyang matagal naming kakilala. Nakatira noon sa gitna ng dagat, sa bahay na nakatuntong sa mahabang kawayan. Kapag high tide, ang tubig ay halos abutin ang sahig. Isa sa mga anak nila si Ann, kaklase ko noon sa elementarya. Tahimik, ngunit laging may ngiting kayang itago ang gutom maghapon. Ang ama niya’y minsang naging drayber ng tricycle ng aming pamilya kaya araw-araw kaming sabay na pumapasok eskwela. Sa bawat biyahe’y naaamoy ko pa rin sa kanyang damit ang alat ng dagat—paalala ng tahanang nakatali sa alon.
Hanggang isang araw, napabalita na pinaalis sila ng gobyerno. Sinabing private property raw ang kinatitirikan ng kanilang tahanan, ngunit alam naming hindi iyon totoo. Inilipat sila sa pabahay ng gobyerno—malayo sa pampang at, higit sa lahat, malayo sa kabuhayang alam nila. Bilang bata, hindi ko maintindihan kung bakit kailangang paalisin ang mga taong araw-araw nakikipaglaban sa dagat para may maihain sa mesa ng iba.
Sa paglipas ng panahon, napagtanto kong hindi lang sila ang biktima ng ganitong uri ng pagkaligaw ng pamahalaan. Mula sa mga mangingisda hanggang sa mga magsasaka, tila pareho ang kapalaran—itinutulak palayo sa lupa at dagat na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan, habang ipinagpapatuloy ng estado ang mga proyektong mas nakikinabang ang mayayaman. Habang nagtatayo ng mga proyektong tinatawag na “kaunlaran,” lalong umuunti ang hanapbuhay, tubig, at seguridad.
Sa kanilang kuwento, malinaw na nasasalamin ang kabiguan ng mga patakarang dapat sana’y nagbibigay-proteksyon sa mga maralitang mangingisda. May mga batas na dapat nangangalaga sa maliliit na mangingisda, pero nananatiling laganap ang ilegal na pangingisda, overfishing, at pagpasok ng malalaking bangka sa municipal waters—na siyang nagbabawas ng huli ng artisanal fisherfolk. May mga programang pinansyal na diumano’y tutulong, pero sa Negros Occidental, higit isang milyong katao pa rin ang nananatili sa kahirapan. Sa Cadiz, iilan lang ang talagang nakikinabang. Sa karamihan, pangako ang natatanggap nila—at pangako rin ang binabalik.
Sa ilalim ng Department Order No. 156-16 ng DOLE, lalo pang lumalalim ang linya ng pagkakahiwalay. Habang malinaw na nakasaad ang mga patakaran para sa mga mangingisdang sakay ng mga komersyal na bangka, nananatiling wala sa saklaw ang mga artisanal na mangingisda—ang mga nagbibilad, nag-aasin, at nag-aayos ng huling isda sa pampang. Sa mata ng sistema, sila ay hindi tunay na manggagawa.
Sa kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, unti-unting tinutuyo hindi lang ang isdang ibinibilad, kundi pati ang dignidad ng paggawa. Ang kanilang mga kamay na sugatan at mga paa na nakalubog sa alat ng tubig ay malinaw na patunay ng isang bansang pinapakinabangan ang pawis ng mahihirap, ngunit bihirang kilalanin ang kanilang karapatan.
Habang ipinagpapatuloy ang mga proyektong “pangkaunlaran,” patuloy ring napapalayas ang mga tunay na tagapag-alaga ng dagat. At kung sa ngalan ng pag-unlad ay kailangang tanggalin ang kabuhayan ng mahihirap, patahimikin ang mangingisda, at ipagkait ang karapatan ng manggagawa—hindi ito pag-unlad, kundi paglimot.
Sa Cadiz, bawat patak ng pawis ay binabayaran ng pangako, ngunit ang mga nagpapatuyo sa ilalim ng araw ay nananatiling tuyo rin sa hustisya.
Ang amoy ng alat at usok na dati’y inirapan ko ay ngayo’y paalala ng isang mas malalim na katotohanan: ang Cadiz ay hindi lamang “dried fish capital” ng Pilipinas, kun’di salamin ng buong bansa—masipag ngunit madalas nakakalimutan. Ang mga mangingisda, ang mga magtutuyô, at ang mga nagbubuhat ng lambat ay mga bayani ng pag-iral na hindi dapat nananatiling anino sa likod ng mga anti-mamamayang proyekto.
Ang dagat ay dapat manatiling tahanan, hindi hangganan. At kung tunay nating iginagalang ang sipag ng mga Pilipino, dapat itong magsimula sa pagkilala at pagprotekta sa mga taong matagal nang nabubuhay sa pagitan ng init ng araw at alat ng tubig.
Mabaho, mainit, maingay. Ngunit sa likod ng lahat ng iyon ay dignidad na hindi kayang hugasan ng kahit anong alon.
Kristina Cassandra V. Mutia is a first-year BA in Political Science student at the University of the Philippines Visayas and a probationary writer for Pagbutlak in its 51st year. She writes about social issues and the everyday realities of people through the lens of the masses.







Leave a comment