Buy 1 Take All: Ang pamilihan, politika, at ang ilusyon ng pagpipilian

Para kang namimili sa isang malaki at kumpletong grocery—tila ba’y binibigyan ka ng kalayaang pumili ng kung anong gusto mo sa pagitan ng iba’t ibang etiketa, label, promo, at discount, ngunit ang ‘di mo alam, bilang lang naman ang mga pamilyang nagmamay-ari ng lahat ng ito.


Linggo na naman bukas. Araw na naman ng pamimili. Kaliwa’t kanan na naman ang mga nag-aalok na clerk sa bawat pasilyo, may mga bago na namang kulay ng packaging na tila ba nag-aangasan kung alin ang mas may appealing na disenyo. Minsan nakalilito na nga kung alin ba sa kanila ang mas maganda, ang mas masarap, ang mas mapagkakatiwalaan—dapat ba mag-stick nalang ako sa nakasanayang brand dahil…wala lang, matagal ko na kasi silang ginagamit, o dapat ba na mag-eksperimento naman ako ng bago? Tulad na lang ng nakita kong eksena kanina:

“Alin ba dito ang mas maganda?” tanong ng isang ale sa kargador habang ini-inspek ang label ng dalawang sardinas. 

Hindi ko mapigilang matawa. Sa isip-isip ko, kung alam lang niya, parehong kumpanya rin ang nagmamay-ari ng dalawang brand na ‘yon—magkaiba man ang brand, magkaiba man ang lagayan, pero ang kumpanya? Iisa lang.

Walang pinagkaiba sa politika ng Pilipinas. Para kang namimili sa isang malaki at kumpletong grocery—tila ba’y binibigyan ka ng kalayaang pumili ng kung anong gusto mo sa pagitan ng iba’t ibang etiketa, label, promo, at discount, ngunit ang ‘di mo alam, bilang lang naman ang mga pamilyang nagmamay-ari ng lahat ng ito.

Unang Pasilyo: Canned Goods – Ang mga lumang lata sa bago nilang balot

Parang lumang lata sa bago nitong balot, ang pamamayani ng political dynasties sa Pilipinas hanggang ngayon ay matagal nang umiiral. 

Mayroon itong malalim na pinagmulan na umaabot pa sa panahon ng pananakop ng Espanya. Ang principalía na nabuo noon ay ang pundasyon ng elitistang kontrol hanggang ngayon. Sa bawat halalan, ginagamit ng mga pamilyang ito ang kanilang yaman at koneksyon upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan. 

Sa kasalukuyan, ayon sa datos mula sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), hindi bababa sa 71 sa 82 pamahalaang panlalawigan ng bansa, o 87%, ang pinamumunuan ng mga miyembro ng political dynasties. Humigit-kumulang 9 sa bawat 10 gobernador, at 8 sa bawat 10 district representative sa Pilipinas ay mula sa mga political dynasty.

Sa totoo lang, bawal naman talaga ang dynasty ayon sa Article 2, Section 26 ng 1987 Constitution, ngunit, ang problema ay wala pang napagtitibay na batas para ipatupad ang pagbabawal dito. Bagama’t may mga panukalang batas na naisumite na, wala ni isa ang umabot sa ikalawang pagbasa, maging sa Kamara o Senado. Hindi mahirap unawain kung bakit walang naipapasa—ang mga mambabatas na maghaharang ng batas ay kadalasang nagmumula rin sa mga political dynasty. 

Pero bukod sa walang bago, ano ba ang problema nito? Ayon kasi sa pag-aaral ni Mendoza et al. (2022) na pinamagatang “Political dynasties, business, and poverty in the Philippines” marami sa mga probinsya, bayan, o lungsod na pinamumunuan ng magkakamag-anak ang nananatiling naghihirap, kumpara sa mga lugar na walang political dynasty. 

Bakit nga ba? Sapagkat sa ilalim ng political dynasty, umiikot lamang sa iilang tao ang kapangyarihan—walang sariwang ideya, kulang ang determinasyon, at nawawala ang checks and balances na humahantong sa katiwalian.

Ikalawang Pasilyo: Instant Noodles – Ang pansamantalang solusyon 

Kapag naghahanap ng mabilis na solusyon, agad ang paborito ng nakararami—instant noodles. Mura at mabilis lutuin. Ngunit gaya ng mga plataporma’t ayuda ng naturang mga angkan ng dinastiya, ang instant noodles ay pansamantala lamang. 

Ang mga politiko, sa kabila ng kanilang pangako ng pagbabago, ay madalas na gumagamit ng ganitong uri ng solusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at panlipunan. Sa mga election campaign, ang mga pangako ng “instant fix” tulad ng pagbibigay ng sampung libo kada pamilya upang resolbahin ang isyu ng kahirapan at kawalan ng trabaho, ay madalas na paborito ng mga botante dahil sa kanilang mabilis na epekto. Ngunit ang totoo, wala itong sapat na sustansya para magdulot ng pangmatagalang pagbabago sa buhay ng mga tao.

Isa pa, tuwing may bagyo, ang mga ayuda ay mabilis na naibibigay ngunit hindi umaabot sa ugat ng suliranin. Kailan ba nila sineryoso ang mga polisiyang tumutugon sa malawakang pagbaha? Napanagot na ba nila ang mga tao sa likod ng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam noong Bagyong Ulysses na nagpalubog ng buong probinsya ng Cagayan at Isabela?

Ayon kay Mendoza et al. (2022), ang political dynasties ay hindi lamang nagpapalawak ng kanilang kapangyarihan, kundi pinapalakas ang patronage politics na nagiging sanhi ng kakulangan sa tunay na reporma. Sa kabila ng lahat ng mga proyekto, ang mga hakbang na ito ay walang sapat na pangmatagalang epekto, at kadalasan ay nauurong o nababago ayon sa kapakinabangan ng mga may hawak ng kapangyarihan. 

Ikatlong Pasilyo: Health and Beauty – Ang Pampabango ng Bulok na Sistema

Sa likod ng mga produkto sa pasilyong ito ay may mga kemikal na nagtatago. Tulad ng ilang brands ng shampoo na gumagamit ng Formaldehyde—isang well-known na carcinogen—ganito rin ang propaganda ng mga political dynasty. 

Isang halimbawa nito ay ang kampanya ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 elections kung saan ipinakita siya bilang tagapagligtas ng bayan, ang “leon” ng norte. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng idealized na imahe ng kanyang pamilya sa social media, napagtatakpan nila ang madilim na kasaysayan ng Martial Law, at mga kaso tulad ng pitong bilang ng kasong graft na inihatol noon lamang 2018 kay dating First Lady Imelda Marcos.

Ang Huling Pasilyo: Frozen Section – Mga well-preserved goods at ang dati na nilang pwesto

Sa frozen section ng pamilihan, makikita ang mga produktong matagal nang nasa estante ngunit hindi pa rin inaalis. Ganito rin ang kalagayan ng mga pamilyang namamahala sa gobyerno. Sa tamang formula ng preservatives—ang mga pamilyang ito ay napapanatili ang kani-kanilang mga pwesto gamit ang yaman at koneksyon.

Una, sinasamantala nila ang term limits sa pamamagitan ng pagpapalitan ng pwesto sa pamilya. Halimbawa, ang mga makapangyarihang pamilya sa Makati, Taguig, Iloilo, Ilocos, at Davao, sa tuwing matatapos ang termino ng isang miyembro, may isa pang susunod mula sa parehong pamilya. Pangalawa, ginagamit nila ang party-list system bilang backdoor sa Kongreso. At pangatlo, lumalawak ang kanilang kontrol sa ibang munisipalidad o rehiyon. Sa huli, tulad ng frozen goods na walang malinaw na expiration date, ang mga political dynasty ay tila walang katapusan. 

Panahon na upang baguhin ang pamilihan

Pagkatapos ng pamimili, puno ang cart mo ng iba’t ibang produkto. Pero ikaw ba talaga ang pumili ng mga ito? O ito lang naman kasi ang ibinigay nila sa iyo?

Maaari nilang sabihin na “Pero binoto kami!” oo nga naman binoto sila, ngunit paano nga ba pipili ang tao kung bago pa man sila makapamili, may ilan nang nagdikta kung ano lang ang maaaring pagpipilian?

Sa bawat eleksyon, may mga pangalan na palaging nang nauuna—nakapaskil sa bawat kanto, pader, at kung saan-saan nalang pati sa telebisyon. Paano makakapasok ang bago kung ang espasyo ay eksklusibo na sa mga luma? Kung ang makinarya nila ay umaabot sa bawat barangay, at may kasamang pangakong pabor, ayuda, o minsan, pera—hindi patas ang laban, kaya hindi rin totoong malaya ang pagpili. Ang totoo, kung wala kang bilyon para sa ads, wala kang kaalyadong politiko, at wala kang dekadang apelyidong inukit sa kamalayan ng tao, tila imposible kang makakapasok.

Kung sawa ka nang paulit-ulit tayong pinapaikot, baka panahon na para hindi lang baguhin ang pinipili—kundi pati ang sistemang gumagawa ng pagpili para sa atin.

At dahil ito lang naman ang pamilihan, maging parte ka ng pagbabago nito sa kasalukuyan. Dahil sa kabila ng pang-uudyok ng pamahalaan na tayo ay may demokrasya sa kung sino ang iluluklok—sa bansa kung saan halos iisang pamilya ang may kapangyarihan, kailan nga ba tayo magkakaroon ng tunay na pagpipilian?

Kaya hanggang sa susunod na linggo, hanggang sa marating natin iyon, mananatili pa rin tayong bahagi ng isang luma at nakasusulasok na merkado—naloloko, nakukumbinsi ng mga promo, at bumibili rin ng parehong mga produkto.

Hanggang sa susunod na linggo, sana’y makahanap na tayo ng tunay na bagong serbisyo.


Xavier Vejano is a sophomore pursuing a BA in Communication and Media Studies at the Division of Humanities. She has been a resident feature writer for Pagbutlak since 2024. She is passionate about sharing stories through her explainers on various topics, with a particular interest in how films reflect life.

Leave a comment