Kung bakit dapat tayong tumungo sa lansangan sa Araw ng EDSA

Bagamat itinalaga ng UP ang Araw ng EDSA bilang Alternative Learning Day, isa itong kompromisong nagpapakita ng kawalan ng paninindigan ng institusyong dapat sana’y nangunguna sa paglaban.


Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakamahalagang tagumpay ng mamamayan ay bunga ng mapangahas na pagpapasya. Hinubog ang bansa ng mga nagpasya at lumaban–mula sa mga rebolusyonaryong tinalikuran ang normal na buhay upang sumapi sa rebolusyon laban sa kolonyalistang Espanyol, hanggang sa mga estudyante, manggagawa, at magsasakang pinuno ang kahabaan ng EDSA upang ibalikwas ang diktadura. 

Ngayong hinahamon tayo ng kasalukuyang panahon, kaakibat naman nito’y pagkakataong kumilos. At gaya ng mga nauna sa atin, hinihimok tayo nitong mapangahas na magpasya: lumiban sa klase, lumabas sa pamantasan, at samahan ang nagkakaisang sektor sa lansangan.

Muling sumapit ang Pebrero 25, ang araw na ginugunita ng bansa ang ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power na nagpatalsik sa diktadurang Marcos Sr. sa Malacañang. Ngunit, tatlumpu’t siyam na taon matapos ang makasaysayang pag-alsa, muling nakaluklok sa kapangyarihan ang pamilyang minsang nang itinaboy ng bayan. 

Sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr., binigyang-daan ng mga armadong tropa nito ang pandarambong sa pamamagitan ng pagsupil sa mga lupaing ninuno kapalit ng mga minahan at plantasyon. Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pagpatay, laganap ang ilegal na pag-aresto at pagkulong sa masang magsasaka at minorya, talamak ang kaso ng desaparacido o sapilitang pagkawala, lalo na sa hanay ng mga progresibo’t aktibista, at walang lubay ang panggigipit sa mga manggagawa, kabataan, at progresibong grupo. Ngayon, salamin pa rin ng kasalukuyan ang nakaraan. Walang bago. Sa administrasyon ni Marcos Jr.,, patuloy ang pag-iral ng kultura ng karahasan, kawalang-panagutan, at pagbaluktot sa kasaysayan. 

Sa harap ng papalubhang pang-aapi sa taumbayan, papatinding pampulitikang panunupil, at lumiliit na espasyo para sa demokratikong pagpapahayag at pagkilos, walang ibang tugon kun’di hawanin ang landas patungong lansangan at kanayunan. Hindi sapat ang tahimik na paggunita, dahil mula noon, nasa lansangan ang tunay na larangan ng paglaban, ang tunay na tagpuan ng pakikibaka ng nagkakaisang puwersa ng masa. 

Malinaw na hatol ng kasaysayan laban sa diktadurang Marcos. Ngunit patuloy ang pagsisikap ng rehimeng Marcos Jr. na baluktutin ang katotohanan at pagtakpan ang mga krimen ng nakaraan. Isa sa mga tahasang hakabang nito ay pagtalaga sa Araw ng EDSA bilang special working holiday, isang sinikisap na bawasan ang halaga ng tagumpay ng masa. Kasabay nito, magpapatuloy ng mga klase sa mga paaralan at pamantasan—isa sanang makapangyarihang araw na nagsisilbing lunsaran ng muling pagtatagpo ng mga estudyante, maggagawa, mga magsasaka sa lansangan. Gayunpaman, may mga paaralan at pamantasang matapang na tumindig at tumangging sumunod sa deklarasyon, ngunit may ilan ding piniling sumunod sa mekanismong garapalang binubura ang EDSA sa pambansang kamalayan. 

Bagamat itinalaga ng UP ang Araw ng EDSA bilang Alternative Learning Day, isa itong kompromisong nagpapakita ng kawalan ng paninindigan ng institusyong dapat sana’y nangunguna sa paglaban. Bilang national university at pugad ng aktibismong nanguna sa pagtuligsa sa diktadura, tungkulin sana ng UP na maging muog ng radikal na pagsusuri at pagpapakilos laban sa sistemang mapag-usig. Sapagkat hindi natapos sa 1986 ang laban para sa tunay na demokrasya. 

Nanatili ang mga pang-ekonomiya at pampulitikang istrukturang naglulugmok sa masang Pilipino. Habang ang mga nasa kapangyarihan ay nagpapakasasa sa yaman, ang ordinaryong mamamayan ay nakikipagsapalaran sa ‘di nakabubuhay na sahod, kakulangan ng disenteng trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin, at ‘di sapat na badyet para sa edukasyon at batayang serbisyong panlipunan. 

Kasabay nito, hindi rin natigil ang mersenaryong tradisyon ng mga pulis at militar. Pinalalala lamang nito ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Ang mga kritiko ng gobyerno ay pinapatahimik, tinatakot, at binabansagang kaaway ng estado. Ang mga progresibong organisasyon sa kanayunan, maging sa kalunsuran, ay walang lubay na pinupuntirya lalo na ang mga organisador at manggagawa, kabataan-estudyante, at iba pang sektor na may layuning isulong ang demokrating kahingian. 

Kung ating ililista ang lahat ng atraso ng pamilyang Marcos sa ating bayan, babalutin nito ang kahabaan ng EDSA. Mula sa pandarambong, paglabag ng karapatang pantao, pagsikil sa kalayaan, at karahasang pinadrino mismo ng estado—sumasaklaw sa maraming dekada ang kanilang kabuktutan at patuloy na nagpapahirap sa kasalukuyang henerasyon. Bilyon-bilyon ang kinulimbat ng pamilyang Marcos mula sa kaban ng bayan, libo-libong mga Pilipino ang nakitilan ng buhay. Habang sila’y patuloy na namumuhay sa karangyaan, maraming Pilipino ang patuloy na nalulugmok sa kadukhaan.

Malinaw at malawak ang patunay ng lahat ng mga ito at hindi sapat na kilalanin lamang natin ang kanilang mga kasalanan o ipaalala ang madilim na kabanata ng kanilang paghahari. Sa pagitan ng mga panahong dumaan, walang anino ng pagsisisi mula sa angkang Marcos. Sa halip, tuloy-tuloy nilang binaluktot ang kasaysayan upang hugasan ang mga kamay sa dugo ng mamamayan.Ang paniningil ay hindi paghihiganti–ito ay rebolusyunaryong pagkilos tungo sa tunay na hustisya.

Pagkat hindi lamang ang kasaysayan ang nais burahin ng naghaharing-uri, nilulustay rin nito ang ating kinabukasan. Hinahayaang mabulok ang kalidad ng edukasyon, baon sa utang, ngunit gutom ang sambayanan, nag-aagawan ang taumbayan sa limitadong trabaho, at naghihikahos ang karamihan sa kakarampot na pasahod. 

Habang lantaran ang pagkakait ng gobyerno sa mga karapatang dapat nating tinatamasa, walang habas naman nitong nilulustay ang kaban ng bayan sa korapsyon. Pinapaasa tayo sa hungkag na pangakong kaunlaran, taliwas sa katotohanang itinutulak tayo sa mas malalim na kumunoy ng kahirapan. 

Ngayong sukdulan ang pambubusabos sa atin, hindi sapat ang maghintay. Ang pagtindig ay hindi pagsasayang ng oras, kun’di pag-angkin ng ating hinaharap. At kung ang estado mismo ang sumasagasa sa ating pangarap, nararapat lamang na isabuhay ang aral ng nakaraan, ng EDSA mismo–lumiban sa klase, lumabas sa pamantasan, at samahan ang nagkakaisang sektor sa lansangan. Hindi upang umiwas sa pagkatuto kun’di upang yakapin ang mas mataas na anyo nito: ang pagmulat, pagkilos, at pakikibaka. Sapagkat ang pagkatuto ay madadatnan din natin sa kolektibong sigaw ng masa, sa alingawngaw ng mga letra sa balatengga, at sa dagundong ng paniningil ng tunay na pagbabago.


The Pagbutlak Editorial Board

The Pagbutlak editors represents the collective voice of the publication, offering informed perspectives on pressing issues and advocating for the interests of the community it serves.

Leave a comment