Ilusibo ang Paghangad ng Kalayaan

Ang konsepto ng kalayaan ay madalas na itinuturing na haligi ng lipunan at politika. Isa itong paniwala na nagbibigay-daan sa indibidwal na magpasya at kumilos nang malaya—isang panloob na balangkas ng ating kaalaman bilang tao. Gayunpaman, sa kabila ng angking kapangyarihan ng salitang ito, may mga sandaling kinikwestyon ang tunay na kahulugan at saklaw nito. At sa ating paghahangad ng kalayaang magpahayag, unti-unting nagiging ilusyon ang paghahangad ng kalayaan.

Tulad ng isang tanglaw sa madilim na karagatan, tungkulin ng mamamahayag na magbigay liwanag sa madilim na kasinungalingan upang ilantad ang mga katotohanan ng mundo at labanan ang mga mapanlinlang na pilit dinidiin ang kasinungalin bilang katotohanan. Bilang mga mamamahayag, minumulat tayong maging matapang hindi lamang dahil sa ating tungkuling ipaabot ang katotohanan sa malawak na hanay ng masang umaasa sa atin bilang pangunahing balong ng impormasyon, kundi dahil kapalit ng paglalahad ng paglalahad ng katotohanan ay banta sa ating seguridad at buhay, lalo na sa panahon kung saan talamak ang pamamasista at pamamaslang sa mga mamamahayag. 

Ang tapang na ito ay naglalayo sa atin mula sa takot na hadlang sa pagtupad ng ating tungkulin, at ito rin ang nagbubuklod sa atin upang magkaisa at magtagumpay sa pagharap sa mga hamong dala ng pasistang rehimen.

“They are not allowed to be afraid”

Sa gitna ng hamon at panganib, nagbubunsod ng pag-iisip ang tanong: Gaano nga ba kalayo ang mararating ng isang mamamahayag kung ang tanging sandata lamang ay ang kanyang tapang at lakas ng loob? 

Sa isang kuwento ng paglalakbay, ang mamamahayag ay isang mandirigma na may dala-dalang tapang at determinasyon. Sa bawat hakbang na kanyang tinatahak, ramdam ang bigat ng responsibilidad sa kanyang mga balikat. Ngunit sa kanyang puso’y walang bakas ng takot, sapagkat itinuturing niya ang kanyang tungkulin bilang isang tagapagtaguyod ng katotohanan at katarungan.

Ngunit may mga boses sa paligid na nagtataas ng boses, at anila’y, “they’re journalists; they are not allowed to be afraid!” Subalit sa likod ng mariing pagtanggi sa takot, isang buntong-hininga ang nagaganap sa bawat pagharap sa peligro. Ang mga salitang “they are not allowed to be afraid” ay hindi lamang isang payo kundi isang utos na walang puwang sa tunay na karanasan ng mga mamamahayag dahil ang katotohanan ay hindi maitatago: ang buhay ng isang mamamahayag ay nakataya sa bawat balitang isinusulat, ulat na binibigkas, and kuwentong isinisiwalat. At ang pagtutulak sa isang mamamahayag na hindi dapat matakot ay isang pagpapaliit at pagbabalewala sa tunay na karanasang nararanasan sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Sa pagsalaksak ng reaksiyunaryong estado sa mga pahirap, pasista, at anti-aktibismong mga batas, gaya na lamang ng Anti-Terrorism Law, lalong nagiging hayag ang kanilang takot at pangamba sa mga tagapagtaguyod ng progresibo at rebolusyonaryong mga ideolohiya. Sa mga represibong batas kagaya ng Anti Terror Law, mas itinuturing na kaaway ng pamahalaan ang mga kritikal sa kanilang baluktot na pamumuno, imbes na gawing instrumento ang mga disentong ito upang tunay na mas makapagsilbi sa sambayanan. 

Hindi na bago sa mga puwersa ng estado ang kultura ng pag-aresto at pagpataw ng mga gawa-gawang kaso sa mga progresibo. Ilan sa mga taktika ng estado ay ang pagtatanim ng mga ebidensya na maiuugnay sa kaso ng terorismo, kung saan sa ilalim ng Anti Terrorism Law ay may mabigat na imposisyon. Dahil dito, nagkakaroon ng chilling effect sa iba pang mamamahayag na minsa’y nagiging dahilan ng hindi paglathala ng mga artikulong kritikal sa pamahalaan sa takot na maging target ng pag-atake, panghaharass, paniniktik, at kung mas malala’y pagkakakulong o di kaya’y pagpatay.

If they feel fear, they cannot deliver the truth.”

Tunay nga na ang katapangan ay isang lamang sa mga katangiang dapat taglayin ng isang mamamahayag, ngunit sa kasalukuyang sosyo-politikal na klima, at sa madugong kasaysayan na pumapalibot sa relasyon ng midya at pamahalaan, ang mga mamamahayag ay hindi lamang nasasadlak, kundi nagiging tudlaan na rin ng atake.  

Isang buhay na halimbawa rito ang kinahaharap ni Frenchie Mae Cumpio, dating punong patnugot ng UP Vista ng UP Tacloban College at tinahak ang pagiging community journalist sa Tacloban upang isiwalat ang mga paglabag sa karapatang pantao sa mga maralita, kabilang ang mga magsasaka at manggagawa. 

Apat na taon na mula nang inaresto at pinatawan ng gawa-gawang kaso si Frenchie Mae at apat na iba pang human rights defender sa Tacloban noong 2020. Dahil sa kaso ni Frenchie Mae, hanggang ngayon ay pilit pa ring pinapatahimik at binubusalan ang bibig ng mga independenteng mga mamamahayag sa nayon na ang hangarin lamang ay ilantad ang di-makataong trato sa masang maralita at anak-pawis.

Sa gitna ng dilim at panganib, ang kanyang tapang ay sumibol tulad ng liwanag sa madilim na gabi. Si Frenchie Mae at ang mga kasama niyang community journalists ay hindi nagpadaig sa mga hamon na dala ng estado. Ang kanilang pagiging hindi duwag ay hindi lamang simpleng pagpapakita ng tapang, kundi isang masalimuot na alamat ng panganib sa kanilang buhay. Isang manipestasyon ito na kailanma’y hindi ligtas ang mga mamamahayag sa ating bansa, bagay na taliwas sa nakasaad sa ating konstitusyon. 

“They get murdered”

Minsan nang kinuwestiyon ang katapangan ng mga mamamahayag sa Pilipinas na kadalasa’y kinukumpara sa mga mamamahayag sa ibang bansa. 

Nang minsang nainterbyu ng ABC News Australia journalist na si Sarah Ferguson si Pangulong Marcos Jr., tungkol sa mga isyu sa seguridad sa Pilipinas, bago inilipat ang usapan sa kasaysayan ng pandarambong ng kanyang pamilya, natigilan at nagpakawala lang ng kinakabahang tawa ang pangulo, na nag-udyok sa mamamahayag na magtanong: “May I just ask you why that’s funny?

Dahil dito’y hinangaan ng marami ang mamamahayag, partikular ng maraming Pilipino. Ngunit ang iba naman ay napatanong kung bakit hindi raw ito nagagawa ng mga Pilipinong mamamahayag. Sa katunayan, matatapang ang mga Pilipinong mamamahayag. Sa mainstream media, nariyan ang mga kagaya nina Karmina Constantino, Karen Davila, at Maria Ressa. Mas marami rin namang matatapang na mga mamamahayag sa alternatibong midya na kadalasa’y nag-uulat ng mga balitang hindi nabibigyang pansin ng mainstream. Sila iyong mga mamamahayag sa kanayunan na nagrereport ng mga insidente ng land-grabbing, militarisasyon, at talamak na human rights violations sa mga katutubo at mga progresibo. 

Ngunit, dahil itinuturing ng reaksiyunaryong gobyerno bilang lason ang mga progresibong manunulat, minsa’y nauuwi sa kahindik-hindik na katapusan ang kanilang hangarin. Minsan nama’y panandaliang nakakahon—naghihintay ng panibagong umagang bibigyan ulit ng pagkakataong makapagsalita’t mapakinggan. Ganito ang katotohanan sa likod ng tapang at giting ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Ito ang reyalidad ng mga kagaya ni Frenchie Mae.

Sa panahon ng ligalig at kawalang-siguraduhan, na tila ba’y mga bangkang pumapalaot sa galawgaw na tubig-dagat, wala ring kasiguraduhan ang buhay ng mga mamamahayag sa bansang pilit binubusalan ang mga labing mapagpalaya. Ngunit sa kabila nito’y hindi matitinag ng matataas na alon at mapanglaw na karagatan ang nag-aalab at nagsusumikhay na damdamin ng mga mamamahayag–sa kampus, sa mainstream, at sa kanayunan. 

Patuloy na mamumutawi ang katotohanan, katarungan, at kalayaan sa mga pluma’t bibig ng mga mamamahayag. Tunay na ilusibo ang paghahangad ng tunay na kalayaan sa pamamahayag lalo pa’t ang mga nakaupo sa puwesto na dapat nagtataguyod nito ay siya pang nanggigipit sa mga ito, ngunit hangga’t patuloy ang labang tinatahak ng mga kagaya ni Frenchie Mae Cumpio, patuloy din tayong magpupumiglas, magpapalakas upang tuluyang makawala sa madilim na karagatan. Aahon tayo ng may dangal kasama ng ating mga pinaglalaban dahil hinihintay tayo ng sambayanan. 

Leave a comment