Walang langit ang maihahabi sa mga matang nangangalit

Ito ay isang pagninilay sa takot, pag-unawa, at pagkilos ng isang bagong Iskolar ng Bayan.

Sa panahong muling hinahamon ang kabataan na mamulat at manindigan, patuloy ding sinusubok ang kanilang kakayahang makiramay at kumilos sa gitna ng mga bulong ng pangamba at pagdududa.


“Sa iba ka lang nga school, ‘nak. Kaeadlok abi ro gakatabo sa UP makara,” kanilang tinuldukan.

Pagkunot ng kilay ang isinukli ng aking pamilya nang baliin ko ang balitang naipasa ko ang proseso ng admisyon sa minamahal na pamantasan. Walang ibinatid ang katingkaran ng mga naglalakihang titik ng pagbati sa hindi maipintang duda, takot, at kawalan ng tiyak na sagot na naghahari sa aking mga magulang. 

Kaeadlok. Nakakatakot. Sila’y nangangamba sa mga nakikita’t naririnig patungkol sa iba’t ibang mga pagkilos ng mga estudyante ng unibersidad na siyang naglapat ng bagong identidad sa pamantasan—ang tanging identidad na pinipiling kapain sa maling paraan ng mga nakapikit at kumukurap lamang. Bukod sa pagiging bulwagan ng kadalubhasaan ng pamantasan, ang UP, para sa kanila, ay isang pabrika ng mga raliyista, recruiter, at taga-bundok. Ang mga Iskolar ay ang institusyon ng kaguluhan, kaingayan, at kawalan ng kabuluhan

Hindi nag-iisang tumitingin ang aking mga magulang sa hatid na silaw ng pag-iisip na ito. Sa dinami-raming mga kumbensyon at seminaryang aking dinaluhan patungkol sa pag-aaral sa unibersidad, lagi itong natutuldukan ng mga estudyanteng may kagustuhan ring maliwanagan. “Para saan ang pag-ra-rally?” at “Kapag nakapasok ba’y dapat humawak na rin ng placards?” ang laging naitutumbok pagluwas ng programa sa open forum

Sa katunayan, hindi maisisisi sa kanila—sa aking mga magulang—ang pangamba. 

Sa isang sistemang kasalanan ang kritisismo sa kabaluktutan, isang kalakasan ng loob ang magsalita at gumalaw. Ito ang parehas na sistemang hinahayaang arestuhin ang mga estudyante sa kanilang ekspresyon at adbokasiya. Ito ang parehas na sistemang pumapayag na patahimikin ang mga publikasyon. Ito ang sistemang nagbibigay-pahintulot na dakipin ang sinuman sa oras na magbigay-boses at kumilala sa katotohanan.

Marahil tama sila. Magulo ang bulwagan dahil marapat na walang langit ang nangingibabaw sa isang sistemang tumatalo sa taumbayan. 

Maingay ang sangkaestudyantehan dahil walang puwang ang katahimikan sa isang estadong hindi nakikinig. May humahakbang at nananaghoy dahil may pangangailangang hindi naibibigay nang maayos at sapat, mula sa tiyak na badyet para sa edukasyon ng kabataan tungo sa mga pangangailangang lupa at kagamitan ng sektor ng agrikultura. May kamaong itinataas dahil may kawalan ng representasyon para sa mga katutubo at kababaihan. May panulat at karatulang ibinabandera dahil may tumatangis upang itigil ang pagpatay sa mga kawani ng sektor ng midya at pamamahayag. At higit sa lahat, may mga tinig na lumalakas dahil sa patuloy na pagkakalunod ng bayan—hindi lamang sa baha, kundi sa katiwalian ng mga pangakong nilamon ng sariling putik. Sa gitna ng mga palalang flood control project na ginawang daluyan ng korapsyon sa halip na daluyan ng tubig, sino pa ang dapat manahimik? May sumisigaw dahil may dapat na ituligsa. 

Hindi nakakulong ang pagkilos sa pansariling interes, o para sa ikabubuti lamang ng iilan. Ito ay pagtindig na para sa bayan. 

Marahil hindi madaling intindihin ang dugo at langis na dumadaloy sa bawat rally sa pamantasan. 

Una kong nasaksihan ang ganitong pagkilos nang matapos ang pangunang programa para sa pagbubukas ng taon sa pamamagitan ng First Day Rage. Hindi ako sumama ngunit tumayo ako’t nanood nang ilang minuto sa kanilang pagkilos. Narinig ko ang kanilang hinaing, nakita ang bilis ng mga pangyayari. 

Maingay ang kaganapan. Magulo, kung iisipin. Hindi ko ito naintindihan sa unang segundo at marahil hindi ko pa rin ito lubusang kilala ngayon, ngunit ang tanging kakita at naalala sa kasalukuyan ay ang pangingibabaw ng pag-asa sa mga Iskolar na pumiling sumigaw at gumalaw—pag-asang, marahil hindi ngayon, taumbayan naman ang maipapanalo ng sistema. Isang pag-asang, sa paraan ng kanilang pagkilos, sila ang magiging bayani ng kanilang sarili. 

Hangga’t natatalo ang taumbayan, sisigaw ang Iskolar, kasabay ang buong sambayanang Pilipino; magmamasid ang kaestudyantehan ng pamantasan sa kanilang paligid, at may matang mangangalit.

Hangga’t may matang nangangalit, walang langit ang dapat maihabi.


Great Mathew Sareno is a first-year BS in Statistics student at the University of the Philippines Visayas. He is a probationary opinion writer for Pagbutlak. As he upholds and believes in the impact of campus journalism, he specializes in writing critical commentaries about pressing local and national issues, prevailing norms, and conflicting societal aspects from an analytical viewpoint.

Leave a comment