Habi ng Sablay mula Miagao patungong entablado

Sa tuwing sumasapit ang panahon ng pagtatapos, kasabay ng pamumula ng kabalyero at pagsibol ng mga mirasol ay ang mapagpugay na pagharap ng mga iskolar sa madla—may ngiti sa labi at Sablay sa balikat.

Unang ginamit ang Sablay sa Unibersidad ng Pilipinas noong dekada ‘90 bilang sagisag ng muling pag-angkin ng pambansang pagkakakilanlan at pagtalikod sa tradisyong kanluranin ng toga at mortarboard sa mga seremonyang pang-akademiko, hanggang tuluyang naging opisyal na akademikong regalya ng pamantasan noong 2000. Higit pa sa palamuti, ang Sablay ay simbolo ng sining at diwa na taunang isinasapuso at isinasabuhay ng bawat iskolar saanmang panig ng bansa.

Bawat pula, berde, dilaw, at asul na himaymay ng disenyo, kasama ang nakaukit na baybayin, ay bunga ng maingat na paglikha at ng pagod na isinuko upang mabuo ang diwa ng dangal, husay, at paglilingkod—mapa silid-habi man o silid-aralan. 

Ngunit bago pa man ito dalhin sa entablado, ang Sablay ay unang ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga komunidad na kung saan ang sining ng paghahabi ay matagal nang nakaugat sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.

Habi ng Indag-an

Bagamat matagal nang umiiral ang Sablay at ang tradisyon ng paghahabi nito sa ibang lugar, noong 2015 lamang nagsimula ang paggawa nito sa Barangay Indag-an, Miagao, Iloilo, isang pook na kilala sa mayamang kultura ng hablon. Isa sa mga naging haligi ng pagtataguyod nito ay si Connie Atijon, 72 taong gulang at residente ng nasabing lugar. Animnapung taon nang pangunahing kabuhayan ni Connie ang paghahabi, na siyang naging daan upang mapagtapos niya ang kanyang mga anak. Natuto siyang humabi noong siya ay walong taong gulang pa lamang at nakabuo ng una niyang hablon sa edad na sampu.

Bilang bunga ng matiyagang paghahabi, nakasalansan sa gilid ng habihan ang makukulay na telang hablon—patunay ng patuloy na sigla ng sining at kabuhayang iniuugat sa tradisyon ng Miagao.

Bilang tugon sa tawag ng panahon at pagpapahalaga sa sariling kultura, sinimulan niyang ilapat ang sariling pamamaraan at kadalubhasaan sa paghabi ng Sablay kasama ang kanyang labingwalong trabahador.

Nagsimula sila sa paglikha ng mismong Sablay na wala pang baybayin. Ayon sa kanya, bawat isa ay nagtatrabaho sa kani-kanilang tahanan at sinusunod pa rin ang “pakyaw system”. Ito ay sistema kung saan nakadepende sa manggagawa kung ilang produkto ang kaya niyang mabuo kada araw. Nabangit niya rin na wala silang sinusunod na quota sapagkat may ibang inaatupag din ang bawat manghahabi.  Mas maraming ginagawa, mas marami ang kita. Kung tatayain, nakakabuo naman ang bawat isa ng tatlong piraso ng Sablay kada araw. Kalaunan, sa tulong ng karanasan at patuloy na paghasa ng kasanayan, naging posible para sa kanila na makagawa ng mas marami pa.

Lumuluwas papuntang lungsod ang kanilang gawa at sa paglipas ng panahon, naging matatag itong pinagkukunan ng kanilang kabuhayan bukod pa sa tradisyunal na hablon na patuloy pa rin nilang pinangangalagaan. Pero dito rin nila natuklasan na mas hinahangad at pinahahalagahan ng merkado ang kanilang hinahabing Sablay. Mula sa rekomendasyon ng mga taga-lungsod, iminungkahi ang pagpapahusay sa disenyo ng Sablay sa pamamagitan ng pagdaragdag ng baybayin. Ang dating simpleng disenyo ay mas pinasalimuot, pinalalim, at binigyang diin. 

Naging pagsubok ito kina Connie at marahil ito rin ang naging dahilan kung bakit inukol niya ang halos isang buwan sa paulit-ulit na paghahabi, pagtatasa ng bawat detalye, at pagkilatis ng bawat tusok ng sinulid bago niya nagawang perpekto ang pagsasalin-salin at pagbabaligtad-baliktad ng hibla sa Sablay. Ilang gabi man ang naging puhunan nila, nabalikan naman ito ng tagumpay. Tagumpay na hindi lamang nasusukat sa bilang ng nagawa, kundi sa lalim ng pag-unawa at pag-aaral sa bawat hibla bago ito matahi nang may dignidad. Dahil dito mas nagkaroon ng karakter at lumiyab ang pula nitong kulay.

Si Connie Atijon, manghahabi ng hablon at Sablay mula Indag-an, Miagao, Iloilo, ay masinsing sinusuri ang kaniyang likha—bunga ng halos isang buwang pag-unawa at pagtutok upang maitahi ito nang may dangal bilang sagisag ng tagumpay ng mga iskolar ng bayan.

Habi sa pandemya

Nang panandalian huminto ang mundo sa panahon ng pandemya, nakita pa rin nina Connie at ng kanyang mga kasamahan ang liwanag sa gitna ng dilim. Ginamit nila ang pagkakataong ito upang manatili sa loob ng kani-kanilang tahanan at higit pang hasain ang sarili sa paglinang ng kanilang mga obra. Bagamat hindi man naging madali ang pagkuha ng mga materyales at naging sagabal man ang pagkikita sa mga kasama, patuloy nilang itinaguyod ang kanilang trabaho. Aniya, naging blessing in disguise ang pandemya dahil mas nabigyan niya ng atensyon ang detalye sa disenyo at paghabi ng Sablay. Sa kabila ng limitadong seremonya at online na pagtatapos, patuloy pa rin ang paglabas ng kanilang produkto at pagpasok ng kita.

Habi ng pamana

Sa katagalan ng karanasan, naging likas na bahagi ng buhay nina Connie ang gawaing ito. Kahit man hindi na kasing sigla ang galaw ng kanyang mga kamay sa paghimay ng bawat hibla, panatag ang loob niya sapagkat nananatili pa rin ang diwa ng sining sa kanilang komunidad. Sa kasalukuyan, may mga kabataan pa rin, gaya ng kanyang apo, na kusang natututo at yumayakap sa tradisyong paghahabi ng hablon at ng mismong Sablay.

Tahimik ngunit buhay ang hantungan ng sinulid sa Miagao. Ito ang habihan na saksi sa paglikha ng mga Sablay na isinusuot ng mga iskolar ng bayan sa kanilang pagtatapos at patuloy ding sinisilungan ng pag-asa para sa hinaharap ng paghahabi sa komunidad.

Ngunit sa kabila ng lahat na pagpino ng tela at pag-ukit ng baybayin, may isa pang bagay na hindi pa rin niya nasaksihan. At iyan ang mismong seremonya kung saan ginagamit ang kanilang gawa. Ni minsan ay hindi pa nakadalo si Connie sa isang pagtatapos sa UP Visayas Miagao, o sa alinmang kampus. Gayunpaman, sa tuwing siya’y naghahabi ng Sablay, taglay niya ang alab sa puso na siyang nagbibigay ng lakas sa kanya upang magpatuloy. Damdamin na kahit hindi man niya nasaksihan ang pag-akyat ng bawat nagsipagtapos, nakakaramdam pa rin siya ng karangalan at pagmamalaki. Taos puso siyang nalulugod na sa tahimik niyang paraan, gamit lamang ang kaniyang kamay at hibla ng tela, naibabahagi niya ang kanyang galing at ambag sa isang mahalagang yugto ng buhay ng bawat iskolar ng bayan. 

Ipinapakita lang nito na ang Sablay ay higit pa sa isang simbolo ng pagwawakas ng pagsisikap bilang estudyante. Para sa mga kamay na humahabi nito, ito’y bunga ng matagalang dedikasyon. Para naman sa mga balikat na dumadala nito, ito’y taglay na paalala ng kinailangang paglakbay. Kaya bago ito makamit, kailangang pagdaanan ang parehong pagsisikap at pagpupursige—maging ikaw man ang taga habi ng hibla nito, o ang magmamartsa sa entablado at susuot sa araw ng pagtatapos.

Habi at iskolar

Bawat buwan, mahigit 400 na Sablay ang hinahabi nila sa Miagao. At ito ay umaabot sa humigit kumulang 4,000 kada taon. Mula sa kanayunan, ipinapadala ang mga ito sa Maynila upang ibenta at ipamahagi ng UPBeat Merchandise sa buong kapuluan. Ngunit higit sa bilang at presyo, ang halaga ng Sablay ay hindi natatapos sa mga pagawaan, ito’y nakaugnay sa kuwento ng bawat iskolar na nagsusuot nito. 

Bawat Sablay na tinahi sa Miagao ay dumadapo sa iba’t ibang uri ng iskolar ng bayan. Maaaring ito’y sumayad sa balikat ng isang first-generation graduate; ng isang estudyanteng sabay na humahawak ng trabaho at pag-aaral; ng isang iskolar na tinahak ang hirap ng akademya hanggang manguna sa klase; ng isang lider-estudyante na laging nasa hanay ng mga kilos-protesta. Maari rin itong isinuot ng isang artistang ginagamit ang sining bilang anyo ng pakikibaka; ng isang atletang kumakatawan sa unibersidad sa mga paligsahan; ng isang kabataang katutubo na isinusulong ang karapatang makapag-aral; ng isang iskolar na nagtapos sa gitna ng matinding personal na krisis; ng isang estudyanteng lumalaban para sa karapatan ng LGBTQ+; ng isang anak ng OFW na nagsikap sa kabila ng distansya ng pamilya; at ng isang batang nangangarap lamang noon, ngayo’y ganap nang iskolar ng bayan.

Sa bawat guhit ng Sablay ay nakaugnay ang samu’t saring kwento ng tagumpay, sakripisyo, at pag-asa. Ito ay mga kuwentong humahabi ng landas mula Miagao hanggang entablado. At sa bawat tapik ng sinulid ay mayroong nabubuong ideya: magkaiba man ang pinagmulan, iisa ang hangarin. Makapagtapos, makapaglingkod, at makapag-ambag sa bayan.

Habi para sa bayan

Hindi man natin personal na nakadaupang-palad ang mga kamay na humubog sa ating Sablay, dala rin nila ang bigat ng ating tagumpay, kasing bigat ng kanilang pag-aalay. Kaya sa pagsalin ng Sablay mula kanan na balikat patungong kaliwa, bitbit natin ang marka ng kanilang paglikha. At sa pag-abot natin ng kamay para tumanggap ng diploma, nawa’y hindi natin malimutan ang nakadugtong na hibla ng ugnayan sa pagitan ng manggagawa at iskolar, ng pamayanan at unibersidad. 

Sapagkat kahit taun-taong nagtatapos ang Sablay season sa UP, hindi kailanman natatapos ang paghahabi nina Connie at mga katulad niya—gaya ng walang patid na paninindigan ng mga iskolar sa buong panahong ginugol nila sa pamantasan para sa adhikain ng bayan.


Phil Liam Nono is a sophomore statistics student under the Division of Physical Sciences and Mathematics. He joined Pagbutlak as a news staffer during his freshman year and now serves as its 50th Editor-in-Chief.

Shekainah Glore Lozarita is a sophomore Communication and Media Studies student under the Division of Humanities. She joined Pagbutlak as a culture staffer during her freshman year and now serves as its current Cultures Editor.

Leave a comment