Progresibong grupo sa Panay, tinutulan ang ChaCha sa ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power

By: Krizelle Kate Blanza

Buhay ang diwa ng EDSA sa isla ng Panay matapos nagtipon ang humigit-kumulang 300 katao sa harap ng Iloilo Provincial Capitol noong ika-25 ng Pebrero upang gunitain ang ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Uprising na nagpatalsik sa pamilyang Marcos mula sa Malacanang noong 1986.

Dala ang panawagan sa pagtutol sa iniraratsadang Charter Change o ChaChasa Kamara at ng nauna ng People’s Initiative (PI) para isulong ang naturang panukala, nagkaisa ang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang unibersidad sa Iloilo, mga progresibong grupo kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan – Panay, Gabriela Women’s Party Panay-Guimaras, Liberal Party – Panay, PAMANGGAS, All UP Academic Employees Union – Iloilo (AUPAEU-Iloilo), United Labor Alliance, No To PUV Phaseout Coalition – Panay, at iba pa, upang kundenahin ang mabilisang pagratsada sa ChaCha. 

Ayon kay Tomasito Talledo, isang retiradong propesor mula sa UP Visayas, hindi lamang komemorasyon ang ginanap kun’di “retention of the spirit of EDSA” kung saan ang mga Pilipino ay nag-aklas upang bawiin ang kapangyarihan sa mga naghaharing-uri.

“Ang mga problems that made people rise during the EDSA I remained unresolved up to now. So indi na ini commemoration but retention of the spirit of EDSA where people forms their own power because for a long time, ang mga politicians have stolen power from the people,” saad ni Talledo.

Naging kontrobersiyal naman ang hindi pagdeklara ni Marcos Jr. bilang regular na holiday ang komemorasyon ngayong taon ng EDSA People Power Uprising. Ngunit ayon kay Prof. Talledo, hindi kailangan ng opisyal na deklarasyon mula sa Malacanang bilang regular holiday ang komemorasyon ng EDSA People Power Uprising.

“We don’t need an authority from the government to commemorate it. I-declare man nila [as regular holiday] ang EDSA [People Power Anniversary] o hindi, we will continue the spirit of EDSA—and that is to oust dictators,” dagdag niya.

Magkaisang Panawagan ng mga Sektor

Kinundena naman ng ilang grupo ang pagratsada ng mga mambabatas sa Charter Change lalo na pagbabago sa ilang mahahalagang probisyon sa saligang batas kabilang ang hinggil sa ekonomiya, edukasyon, at mass media.

Binatikos ni Prof. Early Sol Gadong ng AUPAEU-Iloilo ang pagpapapasok ng foreign institutions sa bansa sa kabila ng mga problema at krisis sa sektor ng edukasyon kabilang na ang mababang pasahod sa mga guro. Ayon sa kanya, imbes na pagtuonan ng pansin ng administrasyong Marcos ang lumulubong bilang ng mga gurong nangingibang bansa dahil sa kakarampot na sweldo ng mga guro sa Pilipinas, mas inuna pa ng pamahalaan ang pagsulong sa ChaCha.

Iginiit din niya na hindi “commodity” ang mga mag-aaral at mga guro na binebenta ang serbisyo sa dayuhang negosyo. 

“Nagaeskwela kita kay ara kita komunidad na dapat serbisyuhan. Una sa tanan, serbisyuhan naton ang kaupod naton na mga Pilipino,” panapos ni Prof. Gadong.

Binigyang-diin naman ni Lucy Francisco mula sa Gabriela Women’s Party Panay-Guimaras ang papel ng kababaihan sa pagtutol sa ChaCha ni Marcos habang inireiterate na ang economic provisions sa sinusulong na ChaCha ay hindi magagamot ang mga economic vulnerabilities ng malawak na hanay ng masa kabilang ang mga drayber, magsasakasa, mangingisda, vendors, at mga kababaihan, lalo pa’t ayon sa kanya, mas pagsisilbihan nito ang interes ng dayuhan at malalaking kompanya.

“Ang subong na sitwasyon sang kababainhan kag imol sa siyudad kung sa diin nagakag-a sa matag-adlaw na pagbaradera sa iya talabasan para mangita sang kulang nga kita sang nangadala nga pagkaon sa pamilya,” saad ni Francisco.

Kabataan Kontra ChaCha

Binatikos rin ng mga grupo ng mag-aaaral at kabataan ang pagtulak sa ChaCha sa kabila ng mga problemang hinaharap sa sektor ng edukasyon. Ayon kay Crimson Labinghisa, Regional Coordinator ng Kabataan Partylist-Panay, magiging daan ang Charter Change sa pagbubukas ng 100% foreign ownership ng mga educational institutions sa bansa.

“Indi Charter Change ang solusyon sa krisis sa edukasyon kundi ang pagdugang sang budget diri, pagpatindog  sa mas madamo nga state universities at colleges, pagpatindog sa mas madamo na eskwelahan, classrooms, mga pasilidad, kag mga equipment,” saad nito..

Binigyang-diin rin ni Labinghisa na hindi solusyon na lumalalang krisi sa ekonomiya ang pagbubukas sa ating ekonomiya ta public utilities sa mga dayuhang mamumuhunan kundi ang pagpapatayo ng mga pambansang industriya, pagpapataas sa sweldo ng mga manggagawa, at pagbibigay ng trabaho sa kanila.

“Indi naton gusto na iduso ang Charter Change kay indi man naton gusto maging iskwaters sa aton kaugalingon nga pungsod,” panapos niya.

Inugat rin ni Thea Dayata, Chairperson ng UP Visayas University Student Council at miyembro ng Pamatan-on kontra Charter Change (PACC), sa neoliberal na oryentasyon ng kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa ang mga reprisibong polisiya na kinahaharap ng mga mag-aaral at mga student organizations sa loob ng pamantasan. Aniya, mas palalalain ng Charter Change ni Marcos ang neokoloniyal, komersyalisado, at reprisibong oryentasyon ng edukasyon sa bansa kaya hamon sa kabataan na kontrahin ang ChaCha.

Sa huli, ipinunto ni Elmer Forro ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Panay ang kahalagahan ng kolektibong aksiyon kasama ng iba’t-ibang sektor upang igiit ang karapatan ng bawat isa lalo na ng malawak na hanay ng masa.

“Subong nga adlaw, nagpakita sang isa ka huglas nga kamatuoran nga paagi sa nagahugpong nga kusog kag militante nga paghulag sang pumuluyo, wala sang sino man nga diktador o kun pasista–nga nagpatay kag nagtortyur sang nilibo–ang sarang makapukan sang kusog sang pumuluyo,” diin ni Forro.

Sa kabila ng intimidasyon at paniniktik ng puwersa ng estado, lalo na sa mga mag-aaral, matagumpay na idinaos ang paggunita sa ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Uprising. Patunay ito na hindi matitibag ang nagkakaisang puwersa ng masang api.

Leave a comment